Home OPINION CONASS PARA SA TERM EXTENSION

CONASS PARA SA TERM EXTENSION

63
0

TOTOO kaya ang ipinahayag ni Senator Manang Imee Marcos na walang halalang presidensyal sa 2028?

Kung iisipin, akma ito sa sinasabi mismo ni Vice President Sara Duterte na duda siya na may magaganap na halalan kaya nga sinasabi niyang ipagdasal na lang ng lahat na magkakaroon nito.

Para sa atin, mga brad, hindi maghahayag si Manang Imee ng ganyan kung wala itong matibay na impormasyon mula sa Kamara.

Paliwanag ni Manang Imee, may nagsasabi umano sa mga kongresman na huwag mag-alala sa mga pro-VP Sara o Diehard Duterte Supporters (DDS) at sa mga boto na manggagaling sa Visayas at Mindanao dahil walang halalan.

Ito’y dahil babaguhin o aamyendahan ang Konstitusyong 1987 mula sa sistemang presidensyal tungo sa ibang sistema kaya mawawalan si VP Sara ng tuntungan na maging Pangulo gaya ng umiiral ngayon.

At sa pagbabagong konstitusyonal, magkakaroon ng dagdag na tatlong taong ekstensyon o pagpapalawig ng termino ng mga kongresman, kasabay ng gayunding ekstensyon ng pag-upo ni Pangulong Bongbong Marcos.

Kasabay ito nang sinasabi rin ni Manang Imee na pinangakuan din ang mga kongresman para sa impeachment ni VP Sara ng P5 milyong cash, P3 milyong Maintenance and Other Operating Expenses at P150 milyong halaga ng mga proyekto.

At nangyari na nga na 257 ang nang-impeach kay VP Sara habang tumutol dito ang nasa 25 kongresman lamang.

Kung totoong daraanin sa Constituent Assembly ang pagbabago sa Konstitusyon, maaaring isulong ng mga kongresman ang pagbubuo ng buong Kongreso bilang iisang organo o katawan sa pagboto ng yes sa pagbabago at dito malulunod ang 24 boto ng mga senador sa daan-daang boto ng mga kongresman.

Ngunit papayag kaya ang mga senador na nagsasabing dapat sa ganitong pangyayari, hiwalay ang pagboto ng yes o no ang mga senador at kongresman?

Tila nakalilimutan ng mga nasa poder ang kapangyarihan ng mga mamamayan na magpasya gaya ng naganap noon sa EDSA People Power 1.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here