MULING nabuksan ang usapin tungkol sa responsibilidad sa paggamit ng salita at pagpigil sa karahasan matapos ang dalawang magkahiwalay na pangyayari—ang kontrobersyal na ‘rape joke’ na iniugnay sa isang broadcaster sa Bacolod at ang malagim na insidente sa lungsod ng Maynila na diumano’y sexual harassment na nauwi sa pananakit gamit ang baseball bat at humantong sa pagkasawi ng biktima.
Ang rape joke ay hindi simpleng biro lamang. Ito ay maaaring mag-normalize ng karahasang sekswal, magdudulot ng trauma sa mga biktima, at magpalalalim ng kultura ng pananahimik at takot. Kapag ang isang personalidad sa media ang gumawa nito, mas malawak ang epekto dahil may impluwensya ito sa publiko. Ang maling mensahe ay maaaring pagmukhaing katanggap-tanggap ang pang-aabuso at mawalan ng saysay ang paghahanap ng hustisya ng mga totoong biktima nito. Madali ang humingi ng pasensya pero laging may lamat at hapdi ang masakit na binibitawang salita.
Sa kabilang banda, ang paggamit ng dahas bilang tugon sa galit, selos, o umano’y pangha-harass ay isa ring mapanganib na response. Kapag pinairal ang emosyon kaysa batas at tamang proseso tulad ng pagsusumbong sa barangay at pulisya, maaari itong humantong sa kaguluhan, pagkawala ng buhay, pagkakakulong, at pangmatagalang pagdurusa ng mga pamilyang naiwan.
Mahalagang tandaan na ang harassment ay dapat idaan sa ligal na proseso—magsumbong sa barangay, pulisya, o mga kinauukulang ahensya at huwag pairalin ang sariling hustisya.
Upang maiwasan ang ganitong mga trahedya, kailangan ang responsableng komunikasyon, gender sensitivity training, mental health awareness, at conflict management. Maaaring magsimula ng ganitong programa sa komunidad at mga lugar ng trabaho. Dapat ding palakasin ang edukasyon tungkol sa respeto, consent, good manners and right conduct o GMRC at anger management.
Sa tagal na natin sa mundo, kahit ang inyong lingkod ay nagkamali din dahil sa pagbibiro, ngunit nagkaroon ng reflections, nag-aral at natuto.
Dear readers, mahirap na magbiro sa ngayon dahil ang bawat salita ay may kapangyarihang makasakit. Ang sobrang galit naman ay maaaring makamatay. Sandamukal na ang mga batas na pinaiiral sa ngayon para sa mental health at karapatang pantao. Kaya bago magsalita o kumilos, alamin ang batas, pairalin ang respeto, pag-iingat, at pagpapahalaga sa buhay at dignidad ng bawat tao.






