Home NATIONWIDE Dagdag-bawas sa presyo ng produktong petrolyo, ipatutupad

Dagdag-bawas sa presyo ng produktong petrolyo, ipatutupad

MANILA, Philippines – MAGPAPATUPAD ng dagdag bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa epektibo bukas, Disyembre 5.

Sa abiso ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng dagdag presyo na P0.30 sa kada litro ng gasolina at P0.20 naman sa kada litro ng kerosene habang bawas presyo naman na P0.30 sa kada litro ng diesel epektibo alas-6 bukas ng umaga.

May dagdag-bawas din sa presyo sa mga nasabing produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga ang kompanyang Caltex (CPI) at Cleanfuel na magiging epektibo alas-12:01 mamayang hatinggabi.

Ang ipapatupad na dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.

Matatandaan na nitong nakaraang Martes ay nagpatupad ng dagdag presyo sa produktong diesel at kerosene na P0.30 sa kada litro ng diesel at P0.65 naman sa kada litro ng kerosene habang wala namang paggalaw sa presyo ng gasolina. JAY Reyes

Previous article2 tulay sa Mindanao, limitadong madaraanan sa epekto ng lindol
Next articleCondo sa Binondo nasusunog!