AT ito na nga ang nangyari kay Bicol Saro Party-list Rep. Teddy Ridon.
Kilala siya noon bilang makabayan. Palaban sa kapalpakan ng gobyerno at walang takot sa paglalantad ng katiwalian. Laging nasa unahan ng laban at handang kumalampag para sa kapakanan ng mga Pilipino.
Pero ngayon, parang ibang Teddy Ridon na ang nakikita ng publiko. Sa halip na kalabanin ang mga makapangyarihan, siya’y nabibilang na rito. Kitang-kita naman na naging bata-bata na siya ni Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co at malapit kay House Speaker Martin Romualdez.
Ang mas ikinagulat ng marami, siya pa ang inilagay bilang chairman ng House committee on public accounts. Ang tungkulin ng komiteng ito ay bantayan at busisiin ang mga ahensyang bulagsak at lumulustay ng pera ng bayan.
Dito pumapasok ang malaking tanong. Paano niya ngayon magagawa ang trabaho kung malapit siya sa gaya nina Co at Romualdez na kabilang sa mga dapat imbestigahan sa usapin ng kurakutan? Aba’y baka maging taga-bantay pa siya nina Co at Romualdez.
Hindi malilimutan na sa huling State of the Nation Address, tahasang pinagsabihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga tiwaling opisyal sa Kongreso. At ayon sa mga political observer, malinaw na sina Co at Romualdez ang tinutumbok ng Pangulo nang bitawan niya ang matalim na linya: “Mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino!”
Siguro’y hindi na dapat ipagtaka kung sino na si Ridon ngayon. Noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, sinibak si Ridon bilang poverty czar. Ang rason, masyado siyang maraming biyahe sa abroad at kulang sa tutok sa trabaho para sa mahihirap. Nakamarka na sa kanya ang bad record at mahirap nang burahin, lalo ngayong hawak niya ang isa sa pinakamakapangyarihang komite sa Kamara.
Sinasabing konektado si Co sa Sunwest Construction na binanggit mismo ng Pangulo na isa pinakamalaking kontratista na kumopo sa iba’t ibang infrastructure projects na nagkakahalagang bilyun-bilyong piso. Kung seryoso si Ridon sa kanyang tungkulin, dapat niyang unahin si Co at ang Sunwest.
Kung gustong patunayan ni Ridon na hindi siya “puppet” at hindi sunud-sunuran kina Co at Romualdez, kailangan niyang ipakita na kaya niyang mag-imbestiga kahit sariling kampo ang sangkot. Kung hindi, sa mata ng publiko ay malinaw ang kanyang magiging tatak—mula sa pagiging makabayan, siya’y naging “makabayad”.






