SA biglaang ‘irrevocable resignation’ ni dating Manila Police operative at Manila Regional Trial Court Judge Jaime Santiago bilang pinuno ng National Bureau of Investigation, nagkakaroon ngayon ang mga mamamayan ng katanungan kung mamantika at masabaw ang puwesto kaya lungga ng mga korap ang ahensya.
Heto ang mga pangunahing rason ni Santiago.
Una, may mga tuloy-tuloy na naninira sa kanya upang upang agawin ang kanyang pwesto simula nang magsumite siya ng courtesy resignation bilang tugon sa utos mismo ni Pangulong Bongbong Marcos para malinis ang buong pamahalaan, lalo na sa mga korap.
Ikalawa, ayaw niyang masira ang malinis niyang pangalan bilang trabahante ng pamahalaan na kanyang pinaghirapan sa deka-dekada nang paglilingkod niya sa pamahalaan.
Paano kung tanggapin ng Pangulo ang kanyang pagbibitiw?
Mas maintriga ito kaysa pagpapanatili sa kanya sa pwesto.
Kaya, hangga’t maaari, kailangang ipaliwanag ng Pangulo ang dahilan, alang-alang sa pampublikong interes, partikular ukol sa integridad ng gobyerno at giyera sa korapsyon.
Kapag hindi naipaliwanag ang Pangulo, maaaring idagdag ang usaping ito sa patong-patong na pagdududa sa integridad at giyera sa korapsyon ng kanyang pamahalaan.
Naunang nalagay sa alanganin ang integridad at “war on corruption” ng pamahalaang Marcos nang matalo ang karamihan ng kanyang kandidatong senador sa nakaraang halalan kaya iniutos nito ang ‘courtesy resignation’ ng matataas na opisyal.
Sa ngayon, nadagdag sa kaduda-dudang integridad at war on corruption ang katakot-takot na korapsyon sa P350 bilyong pondo sa anti-flood projects na inamin mismo ng Pangulo na nagaganap sa kanyang nakaraang State of the Nation Address.
Sinabi niyang may “for the boys, SOP at ghost projects” na paraan ng pagbubulsa mula sa nasabing pondo.
Kilala si Santiago sa anti-corruption campaigns nito, kasama ang pagbuwag niya sa isang special task force na aniya’y bumaboy sa pagkakaisyu ng warrant of arrest upang tiyak na mapwaawalang-saysay ang kaso.
Ngayon naman, iniintriga siya ng mga gustong umagaw sa kanyang pwesto — na may bagman umano siyang kumokolekta mula sa iligal na sabong at Philippine Offshore Gaming Operators o POGO ngunit kanya namang tahasang dine-deny.






