MANILA, Philippines – IBINULGAR ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) sa Mindanao ang isang sindikato kung saan ginagamit ang mga pekeng pagkakakilanlan ng mga Pilipino para magtatag ng mga negosyong kumukuha ng mga ilegal na dayuhan.
Nabatid sa BI na noong Marso 20, 2025 ay inaresto ng BI intelligence officers si Bangdie Pan, na kilala rin bilang Ditdit, isang 50-anyos na Chinese national, sa Digos City, Davao del Sur.
Nanatid sa BI na si Pan ay nadiskubreng aktibong namamahala sa isang hardware na nakarehistro sa ilalim ng isang umano’y mamamayang Pilipino na ang pagkakakilanlan ay iniimbestigahan na ngayon.
Ayon kay BI intelligence division deputy chief for Administration & Operations – Mindanao, Melody Penelope Gonzales, ang operasyon na isinagawa sa suporta ng 39th Infantry Battalion ng Philippine Army, 1002nd Brigade, 10th Infantry Division, Philippine National Police, at mga intelligence operatives ng gobyerno sa Rehiyon 11, ay humantong sa pag-aresto kay Pan dahil sa paglabag sa batas ng Pilipinas.
Batay sa mga rekord na nakalap, si Pan ay nagtataglay ng isang work visa na inisyu sa ilalim ng isang kumpanya sa Pasig City, ngunit siya ay natagpuang nagtatrabaho sa isang hindi awtorisadong kapasidad sa Davao del Sur.
Inamin ng mga Pilipinong empleyado ng nasabing hardware na wala ang nasabing Pinoy na may-ari, at peke ang dokumentasyon para sa mga permit nito.
Samantala, noong Marso 24, inaresto ng BI intelligence operatives ang apat na Chinese national na kinilalang sina Zhongyi Tang, 62; Tianpei Wu, 51; Dezhen Liu, 62; at Wang Lianxu, 53.
Ang pag-aresto ay sa koordinasyon ng government intelligence agencies sa Region 12, National Bureau of Investigation Region 12, Philippine Drug Enforcement Agency Region 12 at mga opisyal ng Mlang Municipal Police Station (MPS) sa ilalim ng PNP.
Napag-alamang iligal na nagtatrabaho ang apat sa isang chemical manufacturing plant sa Mlang, North Cotabato.
Bukod pa rito, nakakuha ang BI ng mga birth certificate at mga dokumento na nagpapakita na si Liu ay nagpakilala bilang isang Pilipino.
Ang karagdagang pagsisiyasat ay natuklasan na ang kumpanya ay nakarehistro sa ilalim ng isang Pinay, na sinabi ng iba pang mga empleyado na hindi nila nakita mula noong pagbubukas ng negosyo. Inamin ng mga empleyado ng planta na ang may-ari ay talagang isang Chinese na nakabase sa Maynila.
Nagpahayag ng pagkabahala si BI Commissioner Joel Anthony Viado sa kalakaran na ito, kung saan ang mga ilegal na dayuhan ay makakakuha ng dokumentasyon ng Pilipinas upang magamit ang mga ito sa pagbubukas ng mga negosyo sa bansa.
“These documents and new identities may be used by foreigners with mal-intent, and could be exploited by possible spies embedding themselves in society by pretending to be Filipinos,” babala ni Viado.
Nanawagan naman si Viado ng mas mahigpit na regulasyon sa pag-iisyu ng mga dokumento at identification card ng mga Pilipino upang maiwasan ang pagsasamantala ng mga ilegal na dayuhan.
Lahat ng limang Chinese nationals ay nahaharap sa deportation charges sa BI. JR Reyes