Home NATIONWIDE Pagkalas ni Imee sa Alyansa, ‘magandang desisyon’ – Malakanyang

Pagkalas ni Imee sa Alyansa, ‘magandang desisyon’ – Malakanyang

MANILA, Philippines – NANINIWALA ang Malakanyang na ‘magandang desisyon’ ang ginawang pagkalas ni Senator Imee Marcos mula sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas kung sa pakiramdam nito ay hindi nalilinya ang kanyang adhikain at adbokasiya sa administration coalition.

“Sa ngayon po, siya naman po ang nagsabi na siya’y kumakalas na sa Alyansa dahil ang sabi niya ay hindi yata pareho ang kanilang mga adhikain, ang adbokasiya. Kung hindi po talaga nalilinya ang kaniyang mga paniniwala sa paniniwala ng Alyansa, mas maganda po siguro talaga na siya ay umalis dahil kung hindi niya po paniniwalaan ang mga programa ng Alyansa, hindi po talaga magkakaroon ng magandang relationship,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Binanggit ni Imee Marcos sa social media ang hindi nila pagkakaunawaan ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil sa naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang dahilan ng kanyang naging desisyon na iwan ang Alyansa, binigyang diin nito an ang naging pagkilos ng pamahalaan ay taliwas sa kanyang mithiin at prinsipyo.

“Malinaw na may mga hakbang na ginawa ang administrasyon na salungat sa aking mga paninindigan at prinsipyo. Dahil dito, hindi ko na magagawang mangampanya at tumuntong sa iisang entablado kasama ang iba pang kasapi ng Alyansa. Tulad ng aking sinabi mula sa simula ng panahon ng halalan, mananatili akong independyente. Higit sa anumang pulitikal na pakinabang, dapat manaig ang soberanya ng bansa at ang tunay na katarungan para sa bawat Pilipino,” ang sinabi naman ng senadora.

Kumalas si Imee Marcos sa Alyansa dahil sa hindi pagkakasundo sa ilang hakbang at pananaw ng gobyerno.

“But sa ugali kasi ng Pangulo, hindi po siya masyadong …alam ninyo po iyon, hindi siya pikon. Kaya kahit anong banat, kahit nakita na ninyo po si Senator Imee Marcos na nandudoon sa Maisug rally habang binabanggit ng dating Pangulong Duterte ang paninira sa kaniya, kay PBBM, wala po tayong nadinig. Wala rin po tayong nadinig na anumang hinanakit, kung mayroon man ha, mula sa Pangulo para sa kaniyang kapatid.”

Samantala, natawa naman si Castro nang tanungin kung kawalan ba si Imee Marcos sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas at tumayong independent candidate sa nalalapit na eleksyon.

“Wala po akong masabi. Sa parte po ng Alyansa, ibibigay po natin kung anuman ang pananaw po ni ating campaign manager na si Congressman Toby Tiangco,” aniya pa rin. Kris Jose