Home NATIONWIDE Pekeng trabaho abroad na human trafficking pala, ibinabala ng DFA

Pekeng trabaho abroad na human trafficking pala, ibinabala ng DFA

MANILA, Philippines – NAGBABALA ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Filipino na maging bigilante at iwasan na maging biktima ng human trafficking ng mga recruiter na nag-aalok ng job listings overseas na “too good to be true.”

Ito’y matapos na pabalikin sa bansa ng gobyerno ng Pilipinas ang 206 Filipino na biktima ng human trafficking mula Myanmar ngayong linggo.

“(L)alo na dito sa Southeast Asia, hindi puwede magtrabaho kung walang work visa. Kaya kung ang pangako sa inyo ay sisipot lang kayo, hindi totoo iyon,” ang sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega sa isang panayam.

“If it sounds too good to be true, it is not true,” aniya pa rin.

Nauna rito, pinangunahan naman ni De Vega ang mabilis na pagpapauwi sa 206 Filipino na puwersahang pinagtrabaho sa scam hubs sa Myanmar.

Ang pinakabagong pinabalik sa Pilipinas ay sa pamamagitan ng dalawang magkaibang byahe via Thailand, araw ng Martes at Miyerkules.

Tiniyak naman De Vega na ang 206 repatriates ay makakukuha ng reintegration assistance mula sa gobyerno ng Pilipinas kabilang na ang P50,000 cash aid mula sa Department of Migrant Workers bukod pa sa USD200 cash na ipagkakaloob ng DFA habang sila ay nasa Thailand.

Ang 206, ani De Vega ay nagawang maiuwi sa Pilipinas matapos na ang scam hubs kung saan sila nagtatrabaho ay isinara sa gitna ng crackdown sa Myanmar, sa pakikipagtulungan ng Thailand at TSina.

“Right now, sa Myanmar tingin ko mababawasan na iyan kasi nga sinasara na itong mga scam hubs. Pero ang mangyayari diyan ay lilipat lang sila ng bansa. Baka pumunta silang Africa,” aniya pa rin.

“So, huwag magpaloko. Kung hindi dadaan ng job contract ng verified ng DMW at walang work visa ay maaaring human trafficking victims ang labas ninyo,” ang sinabi pa rin ni De Vega. Kris Jose