Home NATIONWIDE DBM chief nagbabala sa mga scammer na nagpapanggap na DBM officials

DBM chief nagbabala sa mga scammer na nagpapanggap na DBM officials

MANILA, Philippines – Nagbabala si Budget Secretary Amenah Pangandaman sa publiko laban sa mga scammer na nagpapanggap na mga opisyal ng Department of Budget and Management.

Ang babala na ito ni Pangandaman ay kasunod ng pagkakahuli ng National Bureau of Investigation (NBI) sa walong indibidwal na nagpapanggap na DBM officials sa Mandaluyong City noong Marso 26.

Ani Pangandaman, nahuli ang mga ito na nambibiktima at nangangako na makakakuha ng pondo o proyekto mula sa ahensya kapalit ng malaking halaga ng salapi.

Bago ang pag-aresto, nadiskubre ng mga awtoridad na isa sa mga suspek ay nagpanggap na DBM Undersecretary at sinasabing may kapangyarihan ito sa special projects sa loob ng ahensya.

Nakapambiktima ang mga suspek sa pangako na P1.3 bilyong halaga ng proyekto.

Sa kabila nito, nagsagawa ng initial verification ang complainant sa DBM at nakitang walang rekord ng umano’y opisyal o proyekto sa official records ng ahensya.

Dahil dito ay agad na nakipag-ugnayan ang DBM sa NBI para iorganisa ang entrapment operation.

Naaresto ang mga suspek sa isang restaurant matapos na tanggapin ang marked money na nagkakahalaga ng P500,000 mula sa NBI.

“These impostors shamelessly exploit public trust, falsely representing themselves as DBM officials,” ani Pangandaman.

“Their actions not only tarnish our institution’s integrity but also harm unsuspecting individuals,” dagdag pa niya.

Dahil dito ay nagpaalala ang opisyal sa publiko na mag-ingat at magsiyasat kung lalapitan ng mga indibidwal na nagsasabing sila ay opisyal ng DBM.

“We will not tolerate such egregious deception,” ani Pangandaman.

“I urge the public to remain vigilant and report any encounters with these impostors immediately.”

Nahaharap ang mga suspek ng kasong estafa sa ilalim ng Revised Penal Code 135 at Usurpation of Authority sa ilalim ng Revised Penal Code 177. RNT/JGC