Home NATIONWIDE ‘Death threat’ kay Alice Guo tinatalupan ng DOJ

‘Death threat’ kay Alice Guo tinatalupan ng DOJ

MANILA, Philippines- Iniimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) ang umano’y death threats na natatanggap ni dating Bamban Tarlac Mayor Alice Guo, sinabi ni Justice spokesperson Mico Clavano nitong Biyernes.

“We do not want to push that aside, we have to take that very seriously,” sabi ni Clavano sa media briefing.

Inihayag pa ni Clavano na kung talagang may banta sa kanyang buhay ay dapat itong seryosohin at tiyaking makadadalo at haharapin ang kanyang mga kaso sa korte.

Sinabi ng kanyang abogado na si Atty. Stephen David na ang mga banta ay ipinarating kay Guo ng kanyang pamilya at mga kasama.

Si Guo ay nahaharap sa reklamong human trafficking kaugnay sa ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator hub sa Bamban gayundin sa reklamong money laundering sa DOJ.

Isang quo warranto petition na rin ang inihain laban sa kanya sa korte ng Maynila gayundin ang petisyon para kanselahin ang kanyang birth certificate sa Tarlac court.

Samantala, sinabi ni Clavano na malapit nang matapos ang kanilang imbestigasyon sa mga indibidwal na tumulong sa “pagtakas” ni Guo.Gayunpaman, sinabi niya na wala siyang kalayaan na ibunyag ang mga paksa ng imbestigasyon.

Sinabi rin ni Clavano na may persons of interest sa BI nang tanungin ito kung may kinalaman ang mga opisyal ng immigration.

Hindi rin inaalis na maaring may mga pribadong indibidwal na tumulong kay Guo para tumakas.

Ang dating alkalde ay umalis ng bansa noong Hulyo sa kabila ng pagkakasama ng kanyang pangalan sa immigration lookout bulletin.

Si Guo ay nahuli ng mga awtoridad ng Indonesia sa Tangerang City noong Miyerkules ng madaling araw. Siya ay pinabalik sa bansa noong Biyernes ng umaga. Jocelyn Tabangcura-Domenden