Home METRO Hotel na pinaniniwalaang POGO hub sinilbihan ng warrant

Hotel na pinaniniwalaang POGO hub sinilbihan ng warrant

MANILA, Philippines- Nagsilbi ang National Bureau of Investigation-Central Visayas (NBI-7) noong Huwebes, Setyembre 5, ng dalawang search warrant sa isang hotel sa Lapu-Lapu City kung saan natuklasan ang hub ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ayon kay Atty. Renan Oliva, NBI-7 director, layunin ng dalawang search warrant na makakalap ng karagdagang ebidensya mula sa Tourist Garden Hotel sa Barangay Agus.

Nakumpiska sa pagsisilbi ng warrant ang computers, cellphones, at vault. Hinalughog din ang dalawang gusali sa loob ng compound.

Naghain ang NBI-7 ng qualified trafficking in person laban sa 16 foreign nationals na hinuli nang salakayin ang lugar noong Sabado, Àgosto 31.

Ang mga kinasuhan ay ang Chinese nationals na sina Zhao, Shao Qi, alias “Lao Fan”; Yang, Teng Da; Ke, Rong Mou, alias “Jordan”; Ji, Hui, alias “Xiao Xi”; Hu, Yonghong; Dai, Chun Lin; Zhong, Donglin, alias “Edison”; Luo, Peng, alias “Alang”; Ma, Yi; Shen, Wen Xia, alias “Xi Xi”; Zhuang, Jian Guo, alias “Wang Fang”; at Wen, Qi Zhen; Indonesian nationals na sina Lona, Halim “Grace,” at Joni, alias “Gio” at Burmese national San, Thwe Thwe.

Si  Zandrew Magdaluyo Cantarona, na isang Pilipino, ay kinasuhan ng pagiging accessory sa krimen matapos siyang mahuli na may dalang 51 passport ng mga nasagip na Indonesian national nang dumating siya sa pinaghihinalaang Pogo hub noong Martes.

Kakasuhan din ang isang Pinoy hotel worker matapos mahuli na sinusubukang ilabas ang isang kahon na naglalaman ng P8 milyon na pinaniniwalaang kita ng POGO hub.

Kabuuang 169 foreign nationals ang nahuli sa hub nang salakayin na kinasuhan din ng Bureau of Immigrations dahil sa pagtatrabaho sa bansa nang walang visa.

Ang mga naaresto ay sangkot umano sa internet-based scams.

Dinala na ang mga nadakip at nasagip na dayuhan sa Maynila sakay ng C-130 turboprop military aircraft.

Patuloy namang nagsasagawa ng case build-up ang NBI-7, habang nag-isyu si Lapu-Lapu Mayor Junard Chan ng order at desist order laban sa hotel. Jocelyn Tabangcura-Domenden