Home METRO Delivery driver, arestado sa ‘gas-and-run’ sa Kyusi

Delivery driver, arestado sa ‘gas-and-run’ sa Kyusi

1
0

MANILA, Philippines – Inaresto ang isang delivery driver noong Hulyo 30 matapos umanong umalis nang hindi nagbabayad ng ₱450 na diesel sa isang gasoline station sa Barangay Fairview, Quezon City.

Ayon sa pump attendant, nagtangkang magbayad ang suspek gamit ang e-wallet ngunit hindi umano na-scan ang QR code ng istasyon. Sinabi nitong magca-cash out muna siya, ngunit habang abala ang attendant sa ibang customer ay umalis na ang sasakyan.

Agad na nagsagawa ng dragnet operation ang Quezon City Police District (QCPD). Makalipas ang halos 15 minuto, natunton ng mga pulis ang puting Toyota Tamaraw sa Jordan Plains Subdivision at naaresto ang suspek.

Ayon kay Fairview Police Station chief Police Lt. Col. Albert Jefferson Relente, mabilis na nakipag-ugnayan ang mga pulis sa District Tactical Operations Center (DTOC) kaya agad na naharang ang sasakyan.

Iginiit ng suspek na wala siyang balak tumakas at nakalimutan lamang umano niyang bumalik sa gasolinahan dahil nagmamadali siyang maghatid ng gulay sa isang mall.

Sinabi rin ng pulisya na ang suspek ay may mga naunang kaso kaugnay ng pekeng salapi, paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, at resistance and disobedience to a person in authority.

Humingi ng paumanhin ang suspek at kasalukuyang nakadetine habang nahaharap sa kasong estafa. Nasa kustodiya siya ng Police Station 5, habang isinailalim sa tamang proseso ang kanyang sasakyan. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here