THE HAGUE, Netherlands – Sinabi ni Vice President Sara Duterte na wala siyang personal na problema kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ngunit may isyu siya rito bilang presidente dahil itinuturing niya itong “weak leader.”
Sa isang Facebook Live sa The Hague, Netherlands, sinabi niya: “Wala kaming away ni BBM [Bongbong Marcos], wala akong problema sa kanya bilang tao. May problema ako sa kanya bilang presidente dahil he’s a weak leader and the country is in chaos, not literal chaos na nagkakagulo tayo, physical chaos.”
“Nagkakanya-kanya ‘yung mga tao sa gobyerno, wala nang respeto ang mga tao sa isa’t isa. And that is my right as a citizen to express so wala kaming alitan na personal na dalawa. Baka para sa kanya, meron pero para sa akin, wala,” dagdag pa niya.
Iginiit din ni Duterte na karapatan niyang magsalita at magpahayag ng opinyon tungkol sa administrasyon.
“And whatever I say, whatever comment I have with this administration and with the… government right now is my right to freedom of speech,” aniya.
Nang tanungin kung napag-usapan nila ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang posibleng mangyari kung mahatulan siya sa impeachment trial at hindi na makatakbo sa halalan, sinabi niyang magpapatuloy pa rin siya sa paglilingkod sa bansa.
“Hindi ko tini-take up sa kanya ‘yung impeachment. Kung ako ay matanggal sa opisina, ako ay magtatrabaho pa rin para sa Pilipinas sa ibang kapasidad,” ani pa niya. RNT/MDS