MANILA, Philippines – Hindi lamang dapat makuntento ang gobyerno sa paghahain ng diplomatic protesta laban sa patuloy na Pagdagsa ng barko ng China sa loob ng teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) na naghuhukay ng bahura.
Iginiit ito ni Senador Risa Hontiveros sa pagsasabing dapat higit pang kumilos ang pamahalaan laban sa patuloy na pagdagsa ng Chinese militia boats sa Julian Felipe Reef.
Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na kahit gaano karami pang pagkondena ng ating pamahalaan at international community sa illegal na aktibidad ng China sa WPS, hindi naman pinakikinggan ng Beijing at nagbibingihan sa sitwasyon.
“By now, we should be doing more than fire off a diplomatic protest. We have to execute actionable on-the-ground steps to prevent the Chinese from any reclamation and base-building activities in Julian Felipe. Tiwala ako na gagawin na ito ng National Task Force for the West Philippine Sea,” ayon kay Hontiveros.
Sinabi ni Hontiveros na nakakakilabot ang pagdagsa ng mga barko ng China noong 2021 at 2022.
“Araw-araw, may plano ang Tsina na saklawin ang mga teritoryo natin. Maliwanag na sila talaga ang nag-uumpisa ng gulo, hindi tayo,” aniya.
Kasabay nito, itinuturing naman ni Senador JV Ejercito na tahasan at patuloy ang pambabastos ng China sa ating soberenya at integiddad ng ating teritoryo ang patuloy na panghihimasok at illegal na pagkilos nito sa WPS.
“Masyado nang garapal ang Chinese government by continuing their expansionism under Xi [Jinping],” ayon kay Ejercito sa Viber message.
Nitong nakaraang linggo, iniulat ng Philippine Coast Guard na mahigit 135 vessels ng Chinese Maritime Militia ang nakita sa Julian Felipe Reef.
Nasa 175 nautical miles ang Julian Felipe Reef sa kanluran ng Bataraza, Palawan, ayon sa PCG.
Ikinokonsidera itong low tide elevation sa Kalayaan Island Group, na pag-aari ng Pilipinas, ayon sa ahensiya. Ernie Reyes