
NAGSANIB puwersa ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at ang National Telecommunications Commission (NTC) upang tiyakin ang tuloy-tuloy na koneksyon sa internet sa buong bansa at para walang maging aberya sa 2025 National and Local Elections na gaganapin sa May 12, 2025.
Una nang naglabas ng Memorandum Order No. 003-04-2025 ang NTC na inatasan ang lahat ng public telecommunications entities (PTEs) at Internet Service Providers (ISPs) na tapusin ang lahat ng network installation, repair, at maintenance activities hanggang nitong May 3, 2025.
Simula May 5, 2025 hanggang May 14, 2025, ay ipinagbabawal ang anomang malakihang network at maintenance works upang mapanatili ang katatagan ng serbisyo.
Layunin ng hakbang na ito na magkaroon ng maayos na daloy ng komunikasyon upang agad na maipadala ng mga election workers ang mga ulat mula sa mga presinto, maibahagi ng mga bagong botante ang kanilang karanasan online, at masubaybayan ng publiko ang mga resulta sa real-time.
Ayon kay DICT secretary Henry Aguda, responsibilidad ng kagawaran na tiyakin na ang digital infrastructure na sumusuporta sa eleksyon sa May 12, 2025 ay may parehong integridad na inaasahan sa mga demokratikong institusyon.
Bagaman may suspensyon ng regular na maintenance, pinapayagan ang emergency repairs sa ilalim ng mahigpit na alituntunin. Nananatiling naka-full alert ang lahat ng internet providers. Ang mga personnel na magsasagawa ng network maintenance ay kinakailangang may dalang opisyal na ID, nakasuot ng uniporme ng kompanya, at gagamit ng malinaw na markadong service vehicle upang masigurong may pananagutan sa bawat operasyon.
Katuwang din ng NTC sa implementasyon ang Commission on Elections (COMELEC), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine National Police (PNP) upang bantayan at protektahan ang mga pasilidad ng komunikasyon laban sa posibleng banta o aberya.
Aktibo na rin ang mga Regional Election Monitoring Teams (REMTs) sa lahat ng 16 na rehiyonal na tanggapan ng NTC. Sila ang unang linyang depensa ng konektividad sa bawat lalawigan, lungsod, at bayan upang masigurong handa at konektado ang buong bansa sa araw ng eleksyon.
Magsisimula ang pagboto ganap na ika-7:00 ng umaga at magtatapos ng ika-7:00 ng gabi. Mula dito ay sisimulan ang transmission ng mga boto mula sa mga automated counting machine (ACMs) patungo sa mga opisyal na COMELEC hubs.