Home NATIONWIDE Digital currency kapalit ng maseselang materyal: 19-anyos timbog sa Roblox child exploitation

Digital currency kapalit ng maseselang materyal: 19-anyos timbog sa Roblox child exploitation

1
0

MANILA, Philippines — Arestado ang isang 19-anyos na lalaki sa Pampanga matapos umano siyang masangkot sa panghihikayat sa mga menor de edad na gumawa at magpadala ng maseselang materyales sa pamamagitan ng online gaming platform na Roblox.

Ayon sa National Bureau of Investigation-Violence Against Women and Children Division, ginamit umano ng suspek ang kasikatan ng Roblox upang lapitan at kaibiganin ang mga bata sa iba’t ibang online gaming platform. Kapag nakuha na umano ang tiwala ng biktima, iniimbitahan sila sa group chat at inaalok ng Robux, ang virtual currency sa Roblox, kapalit ng maseselang larawan o video.

“Walang problema kung games lang, but if they fall victim sa mga ganitong klaseng subject na gumagawa ng ilegal, magiging malaki pong problema,” ani NBI Spokesperson Palmer Mallari.

Base sa imbestigasyon, nahuli umano ang suspek sa aktong nakikipag-chat sa isa pang menor de edad. Natukoy rin ng NBI na ibinebenta umano ng suspek ang mga nakukuhang materyales sa ilang online users sa ibang bansa.

Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ang NBI ng referral mula sa Department of Justice–Office of Cybercrime kaugnay ng mga ulat ng online enticement at pagkalat ng child sexual abuse or exploitation materials.

Nahaharap ang suspek sa posibleng kaso sa ilalim ng Republic Act No. 11930 o Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act.

Patuloy ang imbestigasyon ng NBI upang matukoy at masagip ang iba pang posibleng biktima. Pinaalalahanan din ng ahensya ang mga magulang at tagapag-alaga na bantayang mabuti ang online activities ng kanilang mga anak, lalo na ang pakikipag-usap sa hindi kilalang users sa gaming platforms at group chats.

Hinikayat ng NBI ang publiko na agad i-report sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang online interaction na maaaring may kinalaman sa pang-aabuso o pagsasamantala sa mga bata. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here