MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Department of Agriculture ang pagpapatupad ng mahigit P2.06 bilyong halaga ng farm-to-market road at bridge projects sa buong bansa bilang bahagi ng pagsisikap na palakasin ang agricultural infrastructure para sa mga magsasaka at mangingisda.
Sa pahayag nitong Lunes, sinabi ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na makatutulong ang mga proyekto upang palakasin ang agri-food supply chain ng bansa at mapahusay ang market linkages.
“I’m sure these projects will improve the lives of farmers and fisherfolk, lower their expenses, and give them better access to markets,” ani Tiu Laurel, habang binanggit na ang mga tulay ay “most transformative” dahil pinapalitan ng mga ito ang river crossings na karaniwang hindi madaanan kapag masama ang panahon.
Saklaw ng mga proyekto ang mahigit 66 kilometro ng mga kalsada at 310 linear meters ng mga tulay sa Zambales, Oriental Mindoro, Masbate, Samar, Bukidnon, at North Cotabato. Ang pinakamahabang road project ay aabot sa 26 kilometro.
“These projects are very crucial to our agri-food systems,” pahayag ni Tiu Laurel.
Ayon sa DA, ang mga proyekto ay pangunahing pinopondohan sa ilalim ng World Bank-supported Philippine Rural Development Program Scale-Up.
Pinasalamatan ni Tiu Laurel ang World Bank sa patuloy nitong pagtitiwala sa Philippine agriculture, kasabay ng pagsasabing nagpakita ang lender ng interes na palawakin pa ang suporta nito habang nagpapakita ng resulta ang programa.
Hinimok din niya ang mga local government units na patuloy na maghanda ng mga proyektong pasok sa World Bank standards upang mapabilis ang mga susunod na approval.
Bukod sa farm-to-market roads at bridges, kabilang din sa PRDP Scale-Up infrastructure package ang irrigation systems at post-harvest facilities. RNT