Home NATIONWIDE Digitalization ng 54 paaralan sa Taguig, naisakatuparan na

Digitalization ng 54 paaralan sa Taguig, naisakatuparan na

MANILA, Philippines – Tuluyan nang naipatupad ang digitalization ng Taguig City sa pamamagitan ng DigiTech Program na kung saan binigyan ng makabagong kagamitan tulad ng smart TV, tablet, interactive screens, at mabilis na internet ang 54 pampublikong eskwelahan ng lungsod.

Sa kanyang Facebook post nitong February 22, nagpasalamat din si Cayetano, na chairman ng Senate Committee on Science and Technology, sa pamumuhunan ng lungsod sa teknolohiya.

“Thank you, Lord God, for science and technology, for gifting the City of Taguig with people blessed in these areas, and for the improvement that this will bring to all Taguigeños,” wika niya.

Kamakailan, inilunsad ng lungsod ang Taguig DigiTech, isang programang nagbibigay sa 54 na pampublikong eskwelahan ng mabilis na internet, 2,451 smart TV, 3,000 tablet, at 406 interactive screens sa anim na pilot schools.

Bilang bahagi ng programa, isang robotics lab, computer lab para sa coding at digital literacy, at digital classroom para sa interactive at immersive lessons ang binuksan din sa Senador Renato “Compañero” Cayetano Memorial Science and Technology High School.

Ayon kay Mayor Lani Cayetano, tugon sa patuloy na learning crisis sa mga kabataang Pilipino ang makasaysayang hakbang upang maging makabago ang kagamitan sa pampublikong eskwelahan ng Taguig.

Base kasi sa Programme for International Student Assessment (PISA), nasa ika-77 ang Pilipinas sa 81 bansa pagdating sa science, mathematics, at reading proficiency.

“Our city is proactive in combating the learning poverty faced by the education sector in our country. We have recognized the problem, and we are now implementing solutions,” sabi ni Mayor Cayetano.

Sa isang official Facebook post, sinabi ng Taguig City Government na ang programa ay idinisenyo upang masigurong abot-kaya para sa mga estudyante at guro ang mahahalagang digital tools para makahanda sila sa mga hamon ng teknolohiya.

“Ang mga bagong pasilidad na ito ay sumasalamin sa ating pangako na palakasin ang kalidad ng ating edukasyon at ihanda ang ating mga mag-aaral para sa hinaharap,” ani Mayor Cayetano.

Bukod sa pagtanggap ng mga gadget, dadaan ang estudyante sa digital literacy training na sumasaklaw sa responsableng paggamit ng internet, artificial intelligence, at multimedia design. Magkakaroon din ng specialized training ang mga guro para masulit ang mga gamit sa classroom.

Matagal nang itinataguyod ni Senator Cayetano ang digital education at hinihikayat niya ang pagkakaroon ng mga laptop at mabilis na internet para sa estudyante at guro.

“For decades, our government has not invested in digital infrastructure and learning management systems. The shift to online learning since the pandemic has been a wake-up call,” sabi ng senador dati sa isang hiwalay na pahayag.

Ang pinakabago niyang panukalang batas ay ang Konektadong Pinoy Act, na kamakailan lang ay pumasa sa third and final reading sa Senado. Layunin nitong magbigay ng mabilis at maaasahang internet sa buong bansa.

“May the committee and the Senate as a whole be an instrument of advancing God’s kingdom for all Filipinos, through science and technology,” aniya. Ernie Reyes