PARANG “rock star” ang naging pagtanggap ng mga opisyal at ng mga empleyado ng SSS o Social Security System sa pagbisita ng bagong talagang DOF o Department of Finance Secretary Ralph Recto sa punong tanggapan ng ahensiya sa East Avenue, Quezon City. Bilang hepe ng DOF, siya ang tumatayong chairperson ng SSC o Social Security Commission.
Pinangunahan ni SSS President and Chief Executive Officer Rolando Ledesma Macasaet ang pagtanggap sa bagong kalihim ng pananalapi. Nagkaroon siya ng pagpupulong sa mga opisyales ng ahensiya.
Mataas ang respeto at pagkilala ng SSS community kay Secretary Recto dahil ito ang siyang nasa likod ng pagkakapasa ng Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018 noong ito ay senador pa.
Isa sa mga matagumpay na programang nakapaloob sa inamyendahang batas ang pagkakaroon ng WISP o Worker’ Investment and Savings Program.
Ang WISP ay isang mandatory provident fund scheme na nagsisilbing panibagong pag-iimpok ng mga manggagawa na nasa pribadong sektor. Naaayon ito sa prinsipyo ng “work, save, invest and prosper” na hanggang nitong December 31, 2023 ay may 6.02 million na miyembro at may nalagak nang pondong umaabot sa Php 79.51 billion.
Saklaw ng programa ang mga nasa pribadong sektor, mga self-employed, overseas Filipino workers, at voluntary members na hindi pa nakakakuha ng final claim, may kontribusyon sa regular SSS program, at hindi bababa sa Php 20,000 ang monthly salary credit.
Dahil nga sa pagtatagumpay ng WISP, sinimulan na rin ng SSS ang WISP Plus noong December 2022 na isa namang voluntary retirement savings program na para lamang sa mga miyembro.
Sa loob ng isang taong implementasyon nito, nasa Php 391.63 million mula sa 30,536 na mga miyembro.
Mayroong investment portfolio ang WISP na Php 76.34 billion na may return of investment na 5.33% habang ang WISP Plus ay may Php 1.41 billion at 6.87% na interes.