MANILA, Philippines- Inihayag ni Metropolitan Manila and Development Authority (MMDA) chairman Atty. Romando Artes nitong Biyernes na ang pagbabawal sa motorcycle riders sa kahabaan ng EDSA-Kamuning service road ay hindi diskriminasyon.
Sinabi ni Artes na ipinatupad ito dalawang taon na ang nakalilipas nang unang ikasa ang retrofitting ng DPWH sa EDSA-Kamuning flyover.
Nilinaw ito ng MMDA chief matapos sabihin ni Motorcycle Rights Organization chairman Jobert Bolanos sa isang panayam na “discriminatory” ang pagbabawal.
”Marami ang hindi masaya. They still feel it’s discrimination. Ang nangyayari, sine-single out ang motorsiklo. But again the question is: Ano ba talaga ang priority nila?” giit ni Bolanos.
Subalit, sinabi ni Artes na hindi nilalayon ng motorcycle ban magkaroon ng diskriminasyon sa riders.
“So konting pasensiya po at pang-unawa. Yan po ay ginagawa namin hindi dahil nagdi-discriminate kundi for their safety and traffic management purpose lamang,” paliwanag ni Artes.
Ani Artes, nag-deploy ang MMDA katuwang ang Quezon City LGU ng sapat na traffic enforcers sa lugar upang asistihan ang mga motorista. RNT/SA