Home NATIONWIDE DOH: Iwasang humalik sa labi ng sanggol kontra pertussis

DOH: Iwasang humalik sa labi ng sanggol kontra pertussis

MANILA, Philippines- Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga magulang at guardians na iwasang halikan ang kanilang mga sanggol sa labi para mapigilan ang transmission ng pertussis na isang highly contagious bacterial respiratory infection.

Sinabi ni DOH Undersecretary Eric Tayag na may iba pang mga hakbang na maaring gawin upang ilayo ang mga bata sa impeksyon, bagama’t binigyang-diin na ang pertussis o “whooping cough” ay maiiwasan sa pamamagitan ng pagbabakuna sa mga sanggol simula sa edad na anim na linggo.

Paalala ni Tayag sa mga magulang, iwasan munang halikan sa labi ang mga bagong silang na sanggol at kung may kaunting sipon ay kailangang magsuot ng face mask at maghugas ng kamay bago kargahin ang paslit.

Maaaring maipasa ang pertussis kapag ang isang nahawaang tao ay bumahing o umubo.

Nagdudulot din ito ng mga sintomas na tulad ng trangkaso kagaya ng lagnat, sipon at ubo– pito hanggang 10 araw pagkatapos ng pagkakalantad.

Maaari ring makaranas ang mga bata ng apnea o paghingal, hirap sa paghinga at pagsusuka.

Sa kasalukuyan, dalawang lugar ang idineklarang may outbreak ng pertussis, ang Quezon City at Iloilo City.

Sinabi ng DOH na ang karagdagang tatlong milyon pang pentavalent vaccine doses ay inaasahang darating sa Pilipinas “sa pinakamaagang posibleng panahon.”

Ang bakunang ito ay magpoprotekta hindi lamang laban sa Pertussis, kundi pati na rin laban sa Diphtheria, Tetanus, Hepatitis B, at Haemophilus influenzae type B. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleJoshua at VG Marc, nag-bonding!
Next articleDBM nagpalabas ng P1.134B sa DepEd para sa restorasyon ng heritage school buildings