ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang mga komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho at pangkabuhayan, pinangunahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) CALABARZON ang pagbibigay ng tulong sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP) noong Hulyo 11, 2025, sa Hotel Marciano sa Lungsod ng Calamba, Laguna.
Nagtipon ang mga kinatawan mula sa ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, at mga benepisyaryo para sa paggawad ng PHP51,828,160.00 proyektong pangkabuhayan at sahod sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD).
“Magsilbi sanang paalala ang seremonyang ito sa mga bagay na maaari nating makamit kapag tayo ay magtutulungan — kapag inalis natin ang organizational boundary ating makakamit ang ating iisang layunin. Hindi lamang isang estratehiya ang pagsasama-sama ng mga programa; ito ay isang pilosopiya na nakaugat sa paniniwala na wala ni isang sektor, o ni isang ahensya at ni isang komunidad ang dapat maiwan, pahayag ni DOLE CALABARZON Regional Director Atty. Erwin N. Aquino sa kanyang mensahe.
Kanyang binigyang-diin ang mahalagang papel ng pagtutulungan ng mga ahensya sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mahihinang komunidad.
Samantala, binigyang-diin ni Officer-in-Charge Angelique E. Yaun ng Technical Support Services Division for Employment Promotion and Workers Welfare (TSSD-EPWW), ang kahalagahan ng paglikha ng pangmatagalang epekto sa kabuhayan at pagtiyak na higit sa dagliang tulong ang ibinibigay na suporta para mapalago ang pangmatagalang pag-unlad.
Kabilang sa mga ahensyang dumalo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Justice (DOJ) –Parole and Probation Administration, the Philippine Coconut Authority (PCA), Department of Science and Technology (DOST), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at ang lokal na pamahalaan ng probinsya ng Quezon.
Sa pamamagitan ng programang ito, patuloy na ipinatutupad ng DOLE ang whole-of-nation approach, na tumitiyak na hindi lamang kinikilala ang bawat Pilipino kundi aktibong binibigyan ng kapangyarihan upang makatulong sa paghubog sa mas inklusibo at matatag na hinaharap.






