MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer sa National Capital Region (NCR) sa bisa ng P50 wage hike sa daily minimum wage.
Sinabi ni DOLE-NCR Regional Director Sarah Buena Mirasol na ang bagong wage hike ay magiging epektibo simula Biyernes, Hulyo 18, 2025.
Inaprubahan ng NCR Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang P50 wage hike sa rehiyon na nagdala sa daily minimum wage rate mula P645 hanggang P695 para sa non-agricultural sector at mula P608 hanggang P658 para sa agricultural sector, service and retail establishments na may empleyado na nasa 15 pababa at manufacturign establishments na regular na may manggagawa na nasa 10 pababa.
Sa ilalim ng bagong rate, makakapag-uwi ang non-agriculture workers ng buwanang sahod na P15,247 hanggang P18,216 para sa limang araw at anim na araw na trabaho ayon sa pagkakasunod kasama ang mandatory social welfare benefits tulad ng 13th month pay, service incentives leave, SSS, PhilHealth at Pag-IBIG.
Samantala, ang mga apektado ng kalamidad o mga sangkot sa retail and services na may 10 empleyado ay exempted mula sa wage hike.
Ayon sa opisyal, kapag hindi nag-comply ang mga employer ay maaaring dumulog sa DOLE-NCR o field offices online ang mga empleyado. Jocelyn Tabangcura-Domenden