MANILA, Philippines – NASAKOTE ng mga tauhan ng Malabon City Police Station sa pinagtaguang lugar sa lalawigan ng Pampanga ang 33-anyos na driver na inakusahan ng panggagahasa sa isang menor-de-edad sa Malolos City sa Bulacan.
Ayon kay Malabon police Chief P/Col. Jay Baybayan, nakipag-ugnayan ang kanyang mga tauhan sa Arayat, Pampanga Municipal Police Station nang kanilang salakayin ang tinutuluyan ng akusadong si alyas “Jim”, sa Palm Cabanas Resort sa 558, Magalang-Arayat Road, Brgy. San Antonio, Arayat, dakong alas-3:15 ng hapon.
Aniya, nakakuha ng impormasyon ang kanilang Warrant and Subpoena Section hinggil sa pinagtaguang lugar ni alyas Jim nang maglabas ng warrant of arrest noong Oktubre 30, 2024 si Malolos City Family Court 3rd Judicial Region Presiding Judge Francisco Macapagal Beley ng Branch 4 laban sa akusado dahil sa dalawang bilang na kasong Statutory Rape na walang inirekomendang piyansa.
Maayos namang naisilbi ng pulisya ang arrest warrant laban kay alyas Jim na binasahan din ng kanyang karapatan sa ilalim ng Miranda Rights, gamit ang alternative recording device (ARD), na isa sa panuntunan ng Philippine National Police (PNP) sa pagdakip sa akusado.
Pansamantalang nakapiit sa Custodial Facility ng Malabon Police Station si alyas Jim habang hinihintay ang ilalabas na kautusan ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Malolos City Jail.
Pinuri naman ni P/BGen. Josefino Ligan, District Director ng Northern Police District (NPD), ang matagumpay na operasyon ng Malabon CPS at muling binigyang-diin ang dedikasyon ng kanilang hanay sa paghahatid ng hustisya. Rene Manahan