Home OPINION DROGA AT DISGRASYA

DROGA AT DISGRASYA

241
0

KAPAG may mga seryosong disgrasya sa mga lansangan, maganda talagang isalang sa drug test ang mga sangkot na driver.

Banggaan man o self-accident o iba pang anyo ang disgrasya.

Sa drug test, makagawa agad ang mga awtoridad ng mga kaukulang hakbang upang hindi masangkot muli ang tsuper sa disgrasya sa mga susunod na panahon…kung positibo ito sa droga.

Ang pagkansela, halimbawa, ng driver’s license habambuhay ng isang napatunayang nakadroga habang nagmamaneho ay kaligtasan, hindi lang sa tsuper kundi sa ibang mga tao.

Alalahaning hindi lang ang mga taong nasa lansangan ang nahahagip ng nakadrogang tsuper kundi mga residente at ari-arian sa paligid.

AKSIDENTENG CLLEX

Nitong Agosto 12, 2025, dakong ala-8:00 ng umaga, nabangga ni driver John Paul Baptista Martin ang fence perimeter na nasa gitna ng Central Luzon Link Expressway, sakop ng La Paz, Tarlac.

Nawasak ang unahang bahagi ng kanyang van, L300 FB, nadisporma ang buong sasakyan at nakitang nabuwal at nadurog nang bahagya ang malalaking pundasyon ng perimeter fence.

Lima ang namatay sa kanyang mga pasahero at siyam ang nasugatan, ayon sa Tarlac police.

Sa kanyang pahayag, nawalan umano siya ng kontrol sa manibela.

Isinalang agad ng pulisya si Martin sa drug test.

Makaraang mapatunayang nagpositibo ito, ilang araw lang binawi na ng Department of Transportation ang suspension ng kanyang lisensya at pinalitan na ito ng panghabambuhay na kanselasyon.

Tiyak na gusto pa ring magmaneho itong si Martin makaraang ma-clear ito sa mga pananagutang kriminal at sibil.

Pero dapat bantayan ito nang husto.

Ang dami yatang nagtitinda ng mga pekeng lisensya.

DRUG SUPPLIER

Kung iisipin, tapos na ang kaso sa parte ng pulisya.

Naririyan na arestado na ang tsuper na pinakadulo ng kaso at tiyak na ring nasampahan na ng mga kaukulang kaso ito.

Pero para sa atin, may dapat pang gawin ang pulisya, Philippine Drug Enforcement Agency o iba pang ahensya na kasali sa kampanya laban sa droga.

‘Yun bang === dapat sundan ng mga awtoridad ang suplayer ni Martin sa droga.

Kung hindi kikilos ang mga kaukulang awtoridad dito, masasabing magkakaroon sila ng kapabayaan sa tungkulin.

Sa puntong ito, hindi pa tapos ang kaso.

Kung hindi malulutas ang problema sa droga rito, hindi malayong madurugtungan ang disgrasya na kinasangkutan ni Martin.

May mamamatay uli sa disgrasya sa lansangan, masusugatan at masisiraan ng ari-arian.

Hindi imposibleng may ka-sesyon si Martin sa droga na mga tsuper din at kasama ang mga suplayer niya na masasangkot din sa disgrasya.

KUMILOS NA

Hindi dapat magpabandying-bandying ang mga awtoridad laban sa droga.

Sa ating diaryo, Remate, puno tayo araw-araw ng mga ulat ng mga pulis at PDEA laban sa droga.

Dapat maisama na sa aksyon ang kaso ni Martin at kanyang suplayer ng droga.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here