Home NATIONWIDE Drug-cleared barangays sa Central Visayas, nadagdagan pa

Drug-cleared barangays sa Central Visayas, nadagdagan pa

MANILA, Philippines – Nadagdagan pa ang mga barangay sa Central Visayas na idineklarang drug-cleared sa pinakabagong deliberasyon ng Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing (ROCBDC).

Ang deliberasyon ay isinagawa sa pamamagitan ng blended face-to-face at online activity noong Abril 11 hanggang 12, ayon kay Leia Alcantara, spokesperson ng Philippine Drug Enforcement Agency-Central Visayas (PDEA-7).

Kabilang sa mga nakatanggap ng drug-cleared status ang 36 barangay mula sa Cebu, 30 mula sa Negros Oriental, apat mula sa Bohol, lima mula sa Mandaue City, at isa mula sa Cebu City.

Ang munisipalidad ng Tudela, sa Camotes Island, Cebu ang ika-siyam na munisipalidad sa Region 7 na makatanggap ng status bilang drug-cleared area.

Hanggang nitong Abril 12, ang iba pang drug-cleared na mga bayan sa Central Visayas ay ang Poroc, Camotes Island; Enrique Villanueva sa Negros Occidental, Santander, Cebu; San Francisco, Camotes Island; Madridejos, Cebu; Pilar, Camotes Island; Basay, Negros Oriental, at San Remigio, Cebu.

Nasa kabuuang 1,744 barangay sa rehiyon ang idineklara nang drug-cleared at 114 naman ang drug-free. RNT/JGC