Home OPINION DTI NAGSAGAWA NG ONLINE PUBLIC CONSULTATION PARA SA SENIOR CITIZENS AT PWD...

DTI NAGSAGAWA NG ONLINE PUBLIC CONSULTATION PARA SA SENIOR CITIZENS AT PWD DISCOUNTS

Ipinag-uutos ng Republic Act No. 10645 o Expanded Senior Citizens Act, at R.A. No. 10754 o Expanding Benefits and Privileges of PWDs, ang pagkakaloob ng 20% discount at hindi pagbabayad ng value added tax sa mga pangunahing pangangaila­ngan, serbisyo, transportasyon at iba pa.

Sinimulan na ng DTI o Department of Trade and Industry ang una sa mga serye ng online public consultations kaugnay sa planong pagtataasing diskuwento sa mga tinaguriang BNPC o basic necessities and prime commodities ng senior citizens at ng PWDs o persons with disabilities.

Pangunahin dito ang inilabas na Joint Administrative Order ng DTI kasama ang DA o Department of Agriculture at DOE o Department of Energy na gagawing Php 125.00 ang ceiling mula sa kasalukuyang Php 65.00.

Alinsunod sa Joint Administrative Order, mayroon karapatan ang senior citizens at PWDs para sa special 5% na diskuwento pero hindi kasama ang VAT o value-added tax.

Sakop nito ang mga tipikal na produktong binibili at kaila­ngan ng mga nakatatanda at may mga kapansanan bawat araw kabilang ang bigas, mais, tinapay, karne, isda, manok, itlog, mantika, asukal, gulay, prutas, sibuyas, bawang, at gatas na maaaring fresh o kaya ay processed.

Kabilang din ang mga delatang isda o iba pang marine pro­ducts, kape, bottled water, sabong panlaba, mga kendi, at asin.

Magkakaroon na rin ng karagdagang diskuwento sa basic construction supplies kabilang ang semento, hollow blocks, at electrical supplies katulad ng light bulb.

Target ng DTI na matapos at mailabas ang bagong Joint Administrative Order sa pagtatapos ng March 2024. Kanila umanong pinakikinggan ang mga komento at pinag-aaralan.

Kasunod ng Joint Administrative Order ay nakatakda ring maglabas ng isang komprehensibong listahan ang kagawaran ng mga sasaklawing karagdagang diskuwento para sa kaalaman ng publiko at ng mga apektadong negosyo.

Ang napansin ng inyong Agarang Serbisyo Lady, may ilang establisimyento sadyang mali ang binibigay na diskwento, masabi lang sumusunod sila sa batas.

Hindi naman alam ng mga nakatatanda kung papaano nila na-compute ang 20% discount, lalong-lalo na kapag may kasamang hindi pa senior citizen.