Home OPINION EDSA, 40 TAONG TRAPIK NA PANGAKO

EDSA, 40 TAONG TRAPIK NA PANGAKO

209
0

APATNAPUNG taon matapos ang EDSA People Power Revolution, muling nabuhay ang diskusyon hinggil sa tunay na kalagayan ng demokrasya sa bansa. Ngunit sa halip na selebrasyon ng ganap na tagumpay, mas nangingibabaw ang tanong kung bakit tila natratrapik ang mga pangakong isinilang noong 1986.

Hindi lamang daloy ng sasakyan sa EDSA ang mabagal. Maging ang pangako ng malalim na reporma ay tila hindi pa rin nakararating sa inaasahang destinasyon. Sa nakalipas na apat na dekada, nanatiling makapangyarihan ang mga political dynasty sa pambansa at lokal na antas. Sa halip na mabuwag ang sistemang pinuna noon, mas lumawak pa ang impluwensiya ng iilang pamilya sa pamahalaan.

Kasabay nito, patuloy ang mga usapin ng korapsyon at mabagal na pag-usad ng mga programang dapat sana’y magpapagaan sa buhay ng nakararami. Habang tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin at nananatiling hamon ang disenteng hanapbuhay, marami ang nagtatanong kung para kanino ba talaga ang ipinaglaban sa EDSA.

Maging sa paggunita ng anibersaryo ng People Power ay umusbong ang kontrobersiya. May mga panawagan umanong hindi pinayagan, habang ang iba ay nabigyan ng permit. Ipinunto ng ilang grupo na may mga kondisyon kung ano lamang ang maaaring isigaw at hindi maaaring isigaw sa mismong lugar na minsang naging simbolo ng malayang pagpapahayag.

Bawal ang “Resign Marcos” na panawagan pero tahimik naman sila kung bawal ang “Impeach Sara”. Panagutin daw lahat ng korap pero hindi matukoy sino ang dapat isama sa ” lahat”.

May binigyan ng permit mag rally meron naman hindi. Dati ang EDSA ay simbolo ng pagkakaisa. Sabi nga ng kanta noon “MAGKAISA”. Pero ngayon dahil sa mga pahayag ng self-proclaimed organizers at ilang opisyal, watak-watak na democratic forces.

Para sa ilan, taliwas ito sa diwa ng EDSA bilang espasyo ng pagkakaisa at kolektibong tinig ng mamamayan.

Noong 1986, nagsama-sama ang iba’t ibang sektor laban sa diktadura ni Ferdinand Marcos, dala ang paniniwalang maitatatag ang isang pamahalaang tunay na nagsisilbi sa bayan. Apatnapung taon ang lumipas, nananatiling buhay ang ideyal na iyon, ngunit marami ang naniniwalang hindi pa ito ganap na naisakatuparan.

Kung sarado man ang EDSA sa ilang panawagan, iginiit ng ilan na hindi natatapos sa isang lansangan ang paghahangad ng pagbabago. Ang diwa ng People Power ay maaaring maipahayag saanman may mamamayang handang manindigan kasabay ng pag-asang sa susunod na apatnapung taon, hindi na trapik ang pangako ng demokrasya kundi malinaw na totoong direksyon para sa taumbayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here