
ISANG hikbi mula sa nakalipas — ito ang importansyang ibinigay ng rehimeng “Marcos 2” para sa ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power nitong Martes.
Iyon, siyempre pa, ay inaasahan na mula sa Pangulo — anak ng diktador na pinatalsik sa pwesto ng nasabing makasaysayang rebolusyon — na lagi nang itinuturing ang nabanggit na pagdiriwang ng demokrasya at mapayapang pag-aaklas bilang ‘inconvenience’ na habambuhay nang kailangan ng mga Marcos.
Para sa administrasyong ito, dapat nang ipagkibit-balikat, kung hindi man ibahin ang tema, ng naturang okasyon upang maibsan ang kahalagahan nito sa kasaysayan ng ating bansa.
Gayunman, ang kawalang pakialam sa EDSA ay isang bagay na matagal na ring pinaninindigan ni Vice President Sara Duterte — dati pa, bago niya ipakipagsapalaran ang kanyang political career kay Marcos Jr. noong 2022.
Taong 2017, lantaran niyang tinawag ang EDSA bilang non-event, kinuwestiyon ang kahalagahan nito maliban sa simpleng pagpapalit ng nasa kapangyarihan. “I find it hard to understand why this bloodless revolution has become the standard definition of freedom for our country and this standard is forced down our throats by a certain group of individuals who think they are better than everyone else.” Ganito ang pagkakalarawan niya sa okasyon.
Pero noong 2024, habang dinadagsa ng batikos ang patuloy na pambabalewala ng Marcos administration sa kasaysayan, tinangka ng Bise Presidente na magkasa ng damage control. Naglabas siya ng pahayag na kumikilala sa kahalagahan ng EDSA, para bawiin din iyon kaagad — muling iginiit ang sinabi niya noong 2017, pinatunayan kung paanong handa siyang mawalan ng paninindigan basta kumbinyente ito sa kanyang career sa pulitika.
At ngayong taon, sa kabalintunaan ng lahat ng kabalintunaan, ang kapatid niyang si Davao City Mayor Baste Duterte, ang kumilala naman sa importansya ng EDSA. Tinawag niyang “relevant” ang rebolusyon at isa umanong paalala sa “the people’s power and their ability to effect change.”
Isa iyong malutong na sampal kay Marcos, ang Pangulo, at mag-asawang sampal naman sa pisngi ng sariling kapatid ng alkalde, ang Bise Presidente.
Buti pa si Baste, nagkaroon ng epiphany — kahit napakahirap namang paniwalaan. Maliwanag nasabi lamang niya iyon dahil nagdeklara ng giyera ang kampo ng mga Marcos laban sa mga Duterte, na lalo lang ikinapahamak ng kapatid niyang si Sara.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).