Home OPINION KANSER AT PHILHEALTH

KANSER AT PHILHEALTH

KWENTO ng ating Uzi, dalawa ang namatay at kalilibing lang sa sakit na kanser na kanyang mga kaibigan at kapitbahay.
Dalawa rin ang buhay ngunit hindi makayanan ang mga gastos sa pagpapagamot

MGA NAMATAY

‘Yung dalawang namatay, mga Bro, hindi nagpagamot dahil sa hindi makayanan ang pagpapagamot.

Nalaman nila ang hindi makayanang gastos sa pagpapagamot nang magpatsekap sila at ipinaalam sa kanila ang mga gastusin sa gamutan.

Aabot ng daan-daang libo o milyon.

Kasama na rito ang singil na nasa P100,000 ng at least tatlong doktor na mag-aasikaso sa maysakit.

Kaya naman, dinala na lang nila ang sakit sa katawan na nararamdaman nila sa pag-inom ng mga painkiller at inantay ang kanilang mga kamatayan.

‘Yung isa, naitakbo naman sa ospital ngunit siningil siya ng nasa P300,000 sa wala pang isang linggong pagkaka-confine.

‘Yung isa, tinanggihan ng mga ospital dahil malala na dalawang araw lang, naggudbay na.

‘Yung naospital, nakaraos naman sa burol at paglilibing sa tulong ng mga kaibigan at asosasyon na roon kasali ang kanyang ina,

‘Yung isa, nakaraos sa burol at paglilibing sa mga bigay ng mga politiko, kamag-anak, kaibigan at kapitbahay at saklang patay.

Namatay sa kanser sa buto at kidney ang tinanggap ng ospital at yung isa, namatay sa kanser sa baga at atay.

ANG MGA BUHAY

Ang isa sa mga buhay, hindi pa nagpapagamot ngunit dumaan na sa mga pagsusuri ng mga doktor at laboratoryo at gumastos na ng nasa P100,000.

Ngunit bantulot siyang sasalang sa gamutan dahil mismong mga ospital ng gobyerno at doktor naniningil nang napakamahal.

Ngayon baon siya sa utang dahil sa mga test na naisagawa na sa kanya.

Hindi nagiging sapat ang kinikita niya bilang hindi regular na trabahante ng gobyerno at pribadong kita, gayundin na kapos ang kanyang pamilya.

‘Yung isa, nagpapagamot na ngunit nawalan na ng daan-daang libo ang kanyang pamilya at nilalamon na ng gastos dito ang dapat nilang ipambili ng pagkain, pag-aaral ng mga bata at iba pa.

Ang mga guarantee letter na nakagagaan sana na inisyu sa kanila, hindi tinanggap ng ospital noong Disyembre 2024.

Nagpapanibago ulit sila na maglakad para sa guarantee letter dahil wala na talaga silang mailalabas sa kanilang mga bulsa.

‘Yung naunang biktima rito, may kanser sa suso at isang babae.

Ang ikalawa, may kanser sa matris.

Kwento ng dalawa, ang Diyos na lang ang bahala sa kanila.

ANG DAMING MAY KANSER AT PHILHEALTH

Habang nakaburol ang dalawang namatay, doon nadiskubre ng ating Uzi na marami rin sa mga nagsidalo ang may sakit na kanser.

Sa halip na maging masaya ang mga pamilya ng mga naulila dahil pupunta raw sa langit ang kaluluwa ng mga ito, ayon sa mga pari at pastor, naging higit na malungkot sa paligid dahil sa kwento ng maraming may kanser.

Bigla tuloy naalaala ng ULTIMATUM ang pagdukot ng gobyerno sa PhilHealth ng P89.9 bilyon at inilagay sa National Treasury para umano sa ibang mga proyekto.

Anak ng…..!