Home OPINION PAGPAPAUNLAD NG SAFETY AND HEALTH, OPORTUNIDAD SA MGA KANDIDATO

PAGPAPAUNLAD NG SAFETY AND HEALTH, OPORTUNIDAD SA MGA KANDIDATO

MAGANDA ang naging epekto nang pagpapatupad ng RA 11058 o An Act Strengthening Compliance With Occupational Safety and Health Standards and Providing Penalties for Violations Thereof sa ating bansa.

Kahit pa may nagsasabing dagdag sa trabaho at pahirap ito sa negosyo, mas marami pa rin ang naniniwala na malaking karuwagan ito para makaiwas tayo sa aksidente, sakit at property damage.

Mapapansin sa mga mauunlad na bansa tulad ng United States at United Kingdom ang paghihigpit sa occupational safety and health rules. Sa mga bansang ito, maaaring makulong ang may-ari ng isang kompanya kung mapatutunayan sa korte ang anomang kapabayaan na nagdulot sa kamatayan ng isang tao. Manslaughter ang katawagan sa kasong ito na itinuturing na isang mabigat na krimen.

Sa Pilipinas, wala pa tayong nababalitaang na-convict sa ganitong kaso, kadalasang napupunta sa civil case kung sakaling umabot ang isyu sa korte.

Pero bakit pa natin hahayaang humantong tayo sa anomang sigalot kung pwede namang maiwasan ang bawat aberya. Mangyayari lamang ito kung full compliant ang isang establisimyento. Iyon nga lang, totoong walang libre sa mundo. Ito ay sa kadahilanang kailangang gumugol tayo ng panahon at maglaan ng badyet para matugunan ang mga panuntunan ng labor department at may multa ang bawat paglabag.

Hindi maaaring gamiting alibi ang kakulangan ng pondo at kawalan ng impormasyon. Ika nga “ignorance of the law excuses no one from compliance therewith.”

Nakasaad sa batas na may liability ang employer, manager at supervisor sa health and safety ng isang manggagawa. Naipakikita ito sa pamamagitan ng dokumentadong OSH program na isinusumite sa kagawaran. Kailangan ding tuparin ng bawat manggagawa ang kaniyang responsibilidad na hinihingi ng batas.

Kung may ganitong proactive na kultura, masasabi nating mapagtatagumpayan nating lahat ang maayos na pagtatrabaho na walang aksidente, maiiwasan ang mga sakit at madaling maagapan para hindi lumala. Dagdag pa rito at ang proteksiyon sa mga ari-arian.

Sana naman ay mapansin ng mga kandidato ang ganitong oportunidad at maisama sa kanilang mga plataporma ang pagpapaunlad ng OSH sa ating bansa.