MANILA, Philippines- Hindi dapat samantalahin ng mga kandidato para sa May 2025 polls ang mga botante at kanilang tiwala, ayon sa Buhay ang People Power Campaign Network nitong Biyernes.
Ipinanawagan ito ng koalisyon, binubuo ng Ninoy and Cory Aquino Foundation (NCAF), Tindig Pilipinas, August Twenty-One Movement, Student Council Alliance of the Philippines (SCAP), Mamamayang Liberal, bago ang pagdiriwang ng 39th anniversary ng People Power Revolution sa February 25.
Pinatalsik ng EDSA People Power Revolution noong 1986 si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na binigyang-daan ang pamumuno ni Corazon “Cory” Aquino sa bansa.
“Zero votes sa kawatan at abusado [kasi] sa dami ng ginagawa ng mga politiko natin dahil sa kasakiman nila, ang taumbayan ang sumasalo. ‘Yung ginagawa nila sa PhilHealth, ‘yung zero budget [for government subsidy for PhilHealth] doon, sino ‘yung sasagot? ‘Yung mga maysakit na kailangang gumastos ng out of pocket expenses para maalagaan nila ‘yung mga sarili nila. Sino ‘yung sumasalo ng krisis sa edukasyon? ‘Yung mga masisipag na guro, mag-aaral na kahit na wala silang computers, kasi binawasan ‘yung budget for computerization or ‘yun yung policy ng Kongreso, naghahanap sila ng paraan para-mafulfill iyong requirements nila,” giit ni Kiko Aquino-Dee, NCAF executive director, sa isang press conference.
“Ang nakakalungkot kasi sa People Power is dahil nga makapangyarihan ‘yung taong bayan, ‘yung mga politiko natin, ginagamit nila ito as an excuse na hindi gawin ‘yung trabaho nila,” dagdag ni Aquino-Dee, apo ni dating senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. at Cory Aquino.
“Sinasabi natin na bilang mga mamamayan, mamanata tayo na panindigan ‘yung demokrasya. Huwag iboto iyong mga magnanakaw at abusado. But at the same time, malakas rin iyong panawagan natin sa mga politiko na mag step-up naman kayo,” aniya pa.
Sa joint statement nitong Biyernes, inihirit din ng Buhay ang People Power Campaign Network sa May 2025 bets na mangakong pagsisilbihan ang mga tao at poprotektahan ang demokrasya, tulad ng ginawa ng mga nakibahagi sa EDSA People Power Revolution at ni dating Pangulong Corazon Aquino.
“Sa anibersaryo ng People Power Revolution, panata nating mga mamamayan na patuloy na isabuhay ang diwa nito. Panata nating panindigan ang demokrasya. Panata nating panagutin ang mga korup at abusado. Panata nating paglingkuran ng tapat ang isa’t isa,” wika ng grupo.
“At sa mga nagnanais na mamuno sa bayan sa darating na halalan, iisa ang hamon namin: Mamanata rin kayo,” dagdag nila.
“Taong bayan po ang nagbabayad ng buwis. Pondo po ng taong bayan ito. Kaya naniniwala po tayo na bilang mga kabataan at estudyante na [dapat] manindigan po tayo sa mga party-list at sa mga kandidatong talagang magre-representa sa ating mga tunay na pangangailangan bilang mga Pilipino,” sabi naman ni Matt Silverio ng SCAP.