
MANILA, Philippines- Nagpalabas ang Philippine Embassy sa Lebanon ng abiso sa mga Pilipino na pinaaalalahanan ang mga itong mag-ingat laban sa tumataas na kriminalidad kasabay ng hangarin ng bansa na muling itayo ang Lebanon mula sa girian sa Israel.
Sa abiso ng Philippine Embassy sa Lebanon, binanggit nito ang tumataas na alalahanin na may kinalaman sa kaligtasan ng publiko dahil sa tumataas na insidente ng krimen.
Mababasa sa advisory warning na: “The Philippine Embassy in Lebanon informs all Filipino nationals residing in or intending to travel to Lebanon that local authorities have reported a surge in criminal activities across the country.”
Sa gitna ng mga insidente at alalahanin, sinabi ng embahada na pinaigting ng Lebanese government ang kanilang patrols, dinagdagan ang security personnel, at pinaigting ang surveillance operations para masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Sa kabilang dako, nagbigay naman ang embahada ng limang ligtas na rekomendasyon para sa mga Pilipino sa Lebanon:
Manatiling mapagbantay sa paligid at iwasan ang mga lugar na may criminal incidents.
Sundin ang mga lokal na batas at regulasyon kabilang na ang mga paghihigpit sa paggalaw ng mga awtoridad.
Sanaying mag-ingat sa mga pampublikong lugar at iwasan ang hindi kinakailangang paglalakbay partikular na sa gabi.
I-secure ang mga kagamitan.
Iulat ang mga kahina-hinalang aktibidad sa lokal na awtoridad.