Home OPINION EDUKASYONG DE KATIG

EDUKASYONG DE KATIG

KAHAPON, pinasadahan natin ang rekord ng ating mga kolehiyo at unibersidad kumpara sa iba sa 108 bansa at rehiyon.

Sa pagtaya ng Times Higher Education Asia University Ranking, nakapwesto ang Ateneo de Manila University sa bracket na 401-500 mula sa rekord nito noong nakaraan na pang-84.

Ang De La Salle University at University of the Philippines, nasa grupong pang-501-600 habang ang University of Sto. Tomas at Mapuan University, nasa pang-501-600.

Nakalulungkot isiping wala man lang nakapasok sa mga pang-1-100, pang-101-200, pang-201-300 at pang-300-400.

Sa kabilang banda, mga kolehiyo mula sa China, Hong Kong, South Korea, Singapore, Japan at Australia ang Top 100.

Ginawang panukat sa ranking ang “teaching, research environment, research quality, industry at international outlook.”

Kung iisipin, mga brad, kulelat tayo kumpara sa mga nasa Top 300 pero bahagi tayo ng Top 600 mula sa 1,906 kolehiyo at unibersidad na kasali sa ranking.

Dahil sa rekord nating ito, napalingon tayo sa antas ng high school, sa mga nasa edad 15 nitong nakaraang taon.

Sa rekord ng Program for International Student Assessment o PISA, pang-77 ang Pinas sa 81 bansang sinarbey sa galing sa reading, math at science.

Maliwanag na kulelat tayo pero umangat naman tayo ng konte mula sa nakaraang pagtaya na tayo ang pinakakulelat.

Kung iisipin, oks na rin nang konti ang sistemang pangkolehiyo at pang-unibersidad natin pero ang mismong mga estudyante sa high school, nakalulungkot.

Kaya bang hilutin ng mga sistemang pangkolehiyo at unibersidad ang kabobohan ng mga estudyante pag-akyat nila sa kolehiyo at unibersidad?

Sabagay may 2-3 taon pa, Grade 10-Grade 12, ang lalanguyin ng mga estudyante bago sila mapadpad sa kolehiyo.

Kitang-kita naman ang kalagayan ng edukasyon natin, maging sa karagatan, sa West Philippine Sea.

Ang mga Tsino, Kano, Japan at iba pa, pawang mga barko ang dala-dala nila habang ang mga Pinoy, de-katig.

Kailan magkakaroon ng edukasyong Pinoy na magbubunga ng mga barko at hindi forever na de-katig?