MANILA, Philippines – Handa umanong harapin ni dating kongresista Mike Defensor ang reklamong nakatakdang ihain ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa kanya kaugnay ng umano’y human trafficking.
“Haharapin ko. At ako, naniniwala, ako wala siyang kakaso-kaso,” ani Defensor.
Itinanggi rin niya ang alegasyong may pananagutan siya sa operasyon ng Chicago KTV Bar sa Pasig City, na ni-raid ng NBI noong Abril kung saan nasagip ang 54 na kababaihan.
Ayon kay Defensor, ang Cliffpoint Development ay may-ari lamang ng Cliffpoint Square at kabilang lamang sa mga umuupa rito ang Chicago KTV, isang 7-Eleven, iba pang opisina at mga restoran. Aniya, hindi nangangahulugang mananagot ang may-ari ng gusali sa anumang iligal na gawain ng mga tenant nito.
Tinutulan din niya ang pahayag ni NBI Director Melvin Matibag na iniuugnay siya sa establisimyento sa pamamagitan ng kanyang mga kumpanya, iginiit na magkaibang kumpanya ang Pax Libera Mining at Cliffpoint.
“Ano punto niya doon?… Hindi ko maintindihan,” ani Defensor.
Nauna nang sinabi ni Matibag na chairman si Defensor ng Cliffpoint Development at may 65% siyang pagmamay-ari sa Pax Libera Mining, na may mayoryang bahagi sa Cliffpoint. Ayon din sa NBI chief, presidente ng Cliffpoint at chairperson ng Bleu Hotel ang asawa ni Defensor na si Julie, habang corporate secretary naman ang kanilang anak.
Iginiit ni Defensor na layunin lamang ng reklamong isasampa laban sa kanya na patahimikin sila.
Samantala, personal na nagtungo sa Department of Justice (DOJ) si Defensor upang maghain ng rejoiner kaugnay ng cyber libel case na isinampa laban sa kanya ni dating Senator Sonny Trillanes IV.
Ayon kay Defensor, tugon ang kanyang inihain sa counter-affidavit na nauna nang isinumite sa kaso.
Sinabi pa ni Defensor na nararapat na masusing siyasatin ang mga naging akusasyon ng mga dating marines dahil, aniya, kulang ang naging beripikasyon ng pamahalaan sa naturang mga pahayag. Jocelyn Tabangcura-Domenden