Home NATIONWIDE Extortion allegations pinabulaanan ng LTO Calabarzon chief

Extortion allegations pinabulaanan ng LTO Calabarzon chief

MANILA, Philippines- Lumitaw ang regional director ng Land Transportation Office (LTO) sa Calabarzon o Region 4A (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) nitong Biyernes, upang linisin ang kanyang pangalan at itanggi ang mga alegasyon ng pangingikil na ibinabato sa kanya.

Inamin ni Mr. Cupido Gerry D. Asuncion na nasaktan siya sa paratang na humihingi umano siya buwan-buwan ng P25,000 bilang protection money mula sa bus drivers at operators na bumibiyahe sa Naic-PITX (Paranaque Integrated Terminal Exchange), Tagaytay-PITX, Indang-PITX, Alfonso-PITX, at Mendez-PITX.

“Idine-deny ko po ang mga akusasyon na ‘yan. Wala pong nangyayaring ganyan sa aming rehiyon sa aking pagkakaalam at wala akong utos sa mga ganyang gawain,” ayon kay Asuncion sa isang panayam.

Iginiit niya na nagtungo sa kanyang opisina noong nakaraang linggo ang umano’y signatories sa complaint letter na ipinadala kay Pangulong Marcos sa Malacanang, upang magpresenta ng sworn affidavit, kung saan sinasabing hindi sila pumirma sa anumang complaint letter na nagdedetalye sa umano’y extortion activities ng LTO regional director at ang mga pirma umano sa liham ay peke.

“Pumunta sila sa aking opisina, may dalang sinumpaang salaysay na notaryado ng mga abudago. Hindi raw sila ang pumirma at hindi raw sila ang nagrereklamo, at hindi raw nila ako kilala. Ang sabi nila pareho ko rin silang biktima at nagulat na lang sila na narinig nila ang kanilang pangalan sa radyo at nabasa sa dyaryo,” ani Asuncion.

“Doon sa reklamo na nareceive sa Malacanang ay hindi tugma ang pirma sa kanilang ID sa binigay na sinumpaang salaysay,” dagdag ng LTO official.

Hinala ni Asuncion, isa itong pagtatangkang patalsikin siya na maaaring may kinalaman sa pag-impound niya ng maraming colorum buses at vans sa rehiyon, kabilang ang mula sa malalaking kompanya. Hindi siya nagbanggit ng pangalan.

Naupo siya sa pwesto noong May 30, 2023 at wala pang 10 buwan sa opisina.

“Hindi ko sila masisi na magalit sa akin. Ang fine ng isang bus ay P1 million at ang isang van ay P200,000. Makikita nila sa impounding area namin ay napuno na ang isang ektarya,” sabi ni Asuncion.

Ani Asuncion, naisumite na ang sworn affidavit ng umano’y complainants maging paliwanag niya sa Department of Transportation (DOTr) at LTO head office bilang parte ng imbestigasyon.

“Hintayin ko na lang na maresolba ang kaso. Sana maging fair para maliwanagan ang lahat, lalo na ang mga kabababayan at sa lahat ng nasa gobyerno. We owe it to them ang aming serbisyo na totoo at walang pagiimbot at korapsyon,” pahayag niya.

Paglalahad pa ni Asuncion, hiniling niya kay LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza na palitan muna siya habang gumugulong ang imbestigasyon subalit tumanggi umano ang huli. Sa halip, naghain si Asuncion ng leave of absence upang hindi makasagabal sa imbestigasyon.

“Sa gobyerno, kailangan natin may delicadeza. Kung may anomalya, hindi na nila ako kailangan sabihan. Kusa akong aalis at hindi tatagal ng isang minuto, iiwan ko ang aking posisyon,” ayon kay Asuncion.

“Sa gumawa nito, nasaktan ako pero ngayon pa lang pinapatawad na kita. Sana maliwanagan ang iyong kaisipan at kalooban, sana ‘wag mo na ulitin. Kung kailangan niyo na maalis ako sa pwesto sabihin niyo nang maayos, hindi ako kapit-tuko sa pwesto, ‘Wag lang din masaktan ang aking mga mahal sa buhay,” patuloy niya. RNT/SA