
ANG Republic Act No. 11934 o ang Subscriber Identity Module Cards Registration Act na siyang kauna-unahang batas na naipasa ng 19th Congress sa ilalim ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. administrasyon. Pamamaraan ito ng pamahalaan para labanan ang lumalaganap na krimen gamit ang mga mobile phones katulad ng text scams.
Ang bagong batas ay nagpapakita sa positibong paggamit ng teknolohiya para higit na mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino at hindi para sa kalokohan at pananamantala sa kapwa katulad ng text scam o spam.
Mariing tinututulan ng Philippine Chamber of Telecommunication Operators (PCTO) ang mungkahi ng National Telecommunications Commission (NTC) na gawing requirement ang personal na pagharap para sa SIM registration katulad ng proseso sa pagkuha ng lisensya sa pagmamaneho.
Ayon sa mga telecommunications operators (TELCOs), mas pababagalin lang ng pamahalaan ang proseso ng pagpapatala kung ipipilit ang harapang pagpapakita ng ID bilang bahagi ng beripikasyon, at maaaring makapigil sa paglawak ng bilang ng mga subscriber.
Mungkahi ng PCTO na magtayo na lamang ng mga dedicated hubs sa piling lugar kung saan maaaring magparehistro ang mga gumagamit kapag hindi gumagana ang online portal.
Maaari ring gamitin ng mga indibidwal ang mga hub na ito kung sila’y may problema sa pag-upload o pagpapatunay ng kanilang mga ID online.
Binigyang-diin din ng PCTO na mahirap sa aspekto ng pondo at lohistika kung tuluyang gagawing face-to-face ang buong proseso ng SIM registration.
Naniniwala ang grupo na mas mainam kung magkakaroon ng central ID database ang pamahalaan na maaaring gamitin ng mga TELCO upang masuri ang pagiging totoo ng mga ID ng nagrerehistro na hindi na kailangang magpakita ng personal ang isang tao.
Itinutulak ng NTC ang ilang pagbabago sa Republic Act No. 11934 o ang SIM Registration Act, batay sa mga natutunan simula nang maisabatas ito noong 2022.
Isa sa mga iminungkahing pagbabago ay ang pag-require ng personal na pagharap para maiwasan ang paggamit ng pekeng ID at mapabuti ang proseso ng beripikasyon.
Nauna nang hiniling ng ahensya sa Kongreso na payagan itong limitahan ang dami ng SIM cards na maaaring pag-aari ng isang tao, upang mabawasan ang pagkakataon ng mga manloloko na magkaroon ng maraming account.
Ayon sa SIM Registration Act, ang sinomang mapatunayang nagbebenta ng rehistradong SIM ay maaaring makulong ng hanggang anim na taon at pagmultahin ng hanggang Php 300,000.