Home NATIONWIDE ‘Factual, independent review,’ ikinasa vs New Senate Building issues

‘Factual, independent review,’ ikinasa vs New Senate Building issues

MANILA, Philippines – Ikinasa ng Senate committee on accounts ang isang “factual at independent review” sa lahat ng isyus na bumabalot sa pagpapatayo ng P23-B bilyong New Senate Building sa Taguig City.

Sa pahayag, sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano, chairman ng naturang komite na bahagi ng “factual at independent” review ang isyu sa badyet ng NSB na lumobo mula sa orihinal na P8.9 bilyon tungo sa P23 bilyon.

“The goal is to have the best functional and iconic Senate building that will be a symbol of our democratic process of the will of the Filipino people, at the best quality at the right cost,” ayon kay Cayetano sa isang Facebook Live session nitong June 12, 2024.

Kasunod ito ng naunang kautusan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na pansamantalang suspindehin ang konstruksyon ng NSB sa Taguig City sanhi ng paglobo ng gastusin na nangangailangan ng kumprehensibong pagsusuri.

Nagsimula ang desisyon mula sa isang report ng Senate Committee on Accounts (CA), na pinamumunuan ni Cayetano, na nagpapakita ng pagtaas ng gastusin sa proyekto ng NSB na nadagdagan ng halagang P13 bilyon upang makumpleto ang gusali.

Ayon kay Cayetano, nagsagawa ng ilang pagpupulong sa stakeholder, kabilang ang kinatawan ng dating chairperson ng CA na sina Senadora Nancy Binay at dating Senador Panfilo “Ping” Lacson, upang mabigyang linaw ang usapin.

Matapos nito, nagpadala ng isang executive summary ng initial review at mungkahi kay Escudero. “Hindi po ito haka-haka, lahat po ito ay official. May reports at may documents,” ayon kay Cayetano.

“Maganda naman po ang start pero lahat po ng nakakita ng costs ay medyo nagulat,” dagdag niya.

Sa kabila ng ulat ng suspensiyon, pinanindigan ni Cayetano na dapat magpatuloy ang konstruksyon ng NSB habang umusad ang review. Aniya, ang third phase lamang na hindi pa nasisimulan ang may posibilidad na maantala.

“Pwede naman po na tuloy ang construction habang nirereview namin. Wala pong conflict iyon. We’re just looking at the documentation, y’ung mga ‘why’ at ‘what,’ pero tuloy-tuloy po ‘yan para walang delay,” wika niya.

“Bilang chairperson ng Committee on Accounts na may mandate na sound fiscal management at y’ung pag-audit ng pondo na may kinalaman ang Senado, ito rin po ang isa sa mga unang sinabi ng ating Senate President — let’s review, let’s make sure that we do what is right,” dagdag niya.

Gayunpaman, iginiit ni Cayetano na walang dahilan na magkakaroon ng haka-haka ang publiko at tiniyak ng komite, kasama ang isang high-level coordination team, magpapatuloy sa independent na pagsusuri ng proyekto.

“Let’s not speculate. Nagre-review lang po tayo. Hindi po pwede rito ang assumption at akala,” wika niya.

Nagtapos ang kanyang Facebook Live sa pagbibigay-diin na dapat tuparin ng Senado ang mandato nito nang may integridad, maging ehemplo sa pagiging tapat, at manatiling gumagawa ng moral na desisyon.

“In fulfilling that mandate, kailangan we lead by example… Iba ang puwede, iba ang dapat,” aniya.

“We have to have the ascendancy and the credibility. When we exercise oversight powers over other projects of the government, we have to start with ourselves,” dagdag niya. Ernie Reyes