MANILA, Philippines – Pinangunahan ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Huwebes, Agosto 29 ang pagsasara ng foreign language training center, na matatagpuan sa loob ng isang resort sa Silang, Cavite, dahil sa umano’y illegal recruitment activities.
Ayon kay DMW Assistant Secretary Francis Ron de Guzman, unang binantayan ng mga operatiba ng Anti-Illegal Recruitment and Trafficking in Persons Program ang mga aktibidad ng Volant Academy for Language Excellence, Inc. sa Facebook.
Isinagawa ang surveillance operation noong Mayo 17 na sinundan ng confirmatory operation noong Àgosto 20.
Natuklasan na ang Volant na nagsimula ang operasyon noong Oktubre 2021 ay nag-aalok ng trabaho para sa mga caregiver, auto mechanics, baker, butcher, restaurant specialists, at security specialists sa Germany.
Ngunit ang mga aplikante ay kinakailangang sumailalim sa isang “Dual Training Program,” na kinabibilangan ng isang German language training at isang praktikal na pagsasanay sa trabaho sa loob ng 8 buwan. Ang mga aplikante ay sinisingil ng P515,900 para sa processing fee at 8-month training program.
Inamin ng Volant na nag-deploy ng halos 200 estudyante sa Germany gamit ang student visa, ayon sa DMW.
Nagtatrabaho sila ng part-time para sa buwanang suweldo na P60,000 habang sabay na nag-aaral. Ang panahon ng apprenticeship ay tumatagal ng 3 taon, pagkatapos ay pinangakuan sila ng diplomang Aleman at isang full-time na alok sa trabaho.
Ang DMW ay nagpapaalala sa mga aplikante na mayroong mahigpit na mga regulasyon para sa mga bayarin sa recruitment at overseas hiring.
Para sa mga bansang nangangailangan ng placement fee, hindi dapat mas mataas ang bayad kaysa sa buwanang alok na suweldo.
Nalaman din ng DMW na ang Volant ay nakikipagtulungan sa mga lisensyado at legal na recruitment agencies na maaaring ginagamit ang nasabing language training center bilang isang front o isang paraan upang kunin ang labis na bayad mula sa mga aplikante.
Hinihikayat ng DMW ang mga biktima na lumapit, na tinitiyak sa kanila ang tulong na legal at pinansyal.
Aatasan din nito ang Volant na ibalik ang kanilang pera. Jocelyn Tabangcura-Domenden