Home OPINION GOBYERNO, TIMBANGIN PAG-UNLAD SA PAGKAWALA NG KABUHAYAN NG MGA KATUTUBO

GOBYERNO, TIMBANGIN PAG-UNLAD SA PAGKAWALA NG KABUHAYAN NG MGA KATUTUBO

0
GOBYERNO, TIMBANGIN PAG-UNLAD SA PAGKAWALA NG KABUHAYAN NG MGA KATUTUBO

SABI ng mga matatanda, ang sarap balikan at alalahanin ang mga nakaraan, lalo na noong hindi pa uso ang internet, ang cellular phone, laptop, tablet, at iba pang gadget na lahat yata ng tao sa Pilipinas ay mayroon na ng isa sa mga ito.

Noon, ang tanging laruan ng mga bata ay tansan, kaha ng sigarilyo, rubber band, teks o post card na may istorya pa ng pelikulang ‘Combat”, trumpo at jolens. Ngayon, koleksyon ng iba’t-ibang uri ng robot, remote control na maliliit na sasakyang panlupa, pantubig, at panghimpapawid, at iba pa na nabibili ng mga may salapi.

Pero ang buhay dapat lang talagang may pag-unlad. Tulad ng motor sa sewing machines upang maging mabilis ang pananahi, pagsulpot ng television, refrigerator, washing machine at iba pang modernong gamit.

Ang Pilipinas noon ay nakahanay sa papaunlad na bansa. Kung naging maayos lang ang pamamahala ng mga namumuno, baka isa sa mayamang bansa sa mundo ang Pilipinas at hindi kulelat sa mga mauunlad na bansa sa Southeast Asia.

Kaya nga masarap para sa matatanda na sariwain ang nakalipas nilang payak na pamumuhay. Lamang, hindi maiaalis na kailangan ang pag-unlad kahit pa nga masakripisyo ang kabuhayan, ang lupang pag-aari ng mga katutubo, at maging ng kalikasan dahil dito nagsisimulang masilip ang tunay na pag-unlad.

Nabasa ko sa isang pahayag sa media ng grupong Makakalikasan-Nature Party Philippines ang kanilang pagtuligsa sa sapilitang pagpapalayas at pang-aagaw ng lupain ng mga ninuno ng mga katutubo sa iba’t-ibang panig ng bansa para tayuan ng dam, gawing minahan, malaking plantasyon, at imprastraktura na kailangan umano para sa kaunlaran.

Maaaring isa nga itong paraan para makaagapay ang bansa sa pag-unlad pero sabi ng grupo, mga dayuhan lang na korporasyon ang nakikinabang sa malawak na plantasyon, tulad sa Bukidnon at Davao del Norte, habang sa Surigao at Palawan naman ay winawasak ang kalikasan at komunidad ng mga katutubo upang bigyan-daan naman ang pagmimina, pati na rin ng iligal na pagtotroso.

Dapat na timbangin ng gobyerno ang pag-unlad sa pagkawala naman ng kabuhayan ng mga katutubo na silang nagpaunlad sa kalikasan, gamit ang kanilang mga kamay upang mabigyan ng karangalan at dignidad ang kanilang kontribusyon sa pagyaman ng kalikasan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here