Home OPINION TURKEY NAGING ALERTO SA LINDOL

TURKEY NAGING ALERTO SA LINDOL

KATATAPOS lang ang malakas na lindol nitong nakaraang Biyernes, magnitude 6.2, sa Turkey na sinundan ng aftershock na magnitude 5.9 at mas maliliit pang mahigit 50.

Ang magandang balita, walang nasawi at mahigit 150 lang ang nasugatan.

Masasabing malakas-lakas ang magnitude 6.2 pero naging higit na malakas ang yanig o intensity nito dahil mababaw lang ang pinanggalingan — nasa 7 kilometro sa ilalim ng lupa.

Tatandaan na gaano man kalaki ang magnitude bunga ng paggalaw ng bitak ng pundasyon ng lupa, hindi gaanong mayanig kung malalim ito gaya ng nasa 11 kilometro at higit pa.

Paliwanag ng mga siyentista, lumilikha lahat ang lindol ng seismic wave o vibration o yanig at kung malalim ito, mababawasan ang yanig pataas sa pagdaan nito sa lahat ng bato, lupa, buhangin at adobe.

Kapag mababaw naman gaya ng nasa 10 kilometro pataas, malakas ang yanig o intensity dahil kakaunti ang pagdaraanan nito na makababawas sa vibration.

MABILIS NA LUMABAS SA MGA GUSALI

Nang magkalindol nga sa Turkey, mabilis na nagsilabasan ang lahat mula sa mga gusali, mababa o mataas, sa Istanbul na 80 kilometro lang ang layo mula sa pinanggalingan ng lindol.

Para silang baby na idinuduyan umano sa lakas ng lindol.

Bagaman kaunti lang ang nasirang mga gusali at isa lang ang bumagsak, natakot sila nang husto at mabilis silang tumakbo sa mga bakante o walang mga gusaling lugar.

Anila, nagkaroon sila ng leksyon nang magkalindol sila noong 2023 na ikinamatay ng mahigit 60,000 tao, kasama ang nasa Syria, sa Magnitude 7.8 na lindol at sinundan ng mahigit 500 aftershock.

Nauna rito, noong 1999, mahigit 17,000 tao ang nasawi at noong 1939, 32,000 din ang namatay.

Aktibo ang North Anatolian Fault may habang 1,200 mula sa Aegean Sea hanggang sa malapit lang sa Istanbul na pinanggalingan ng lindol.

WEST VALLEY FAULT

Bigla nating naalaala, mga Bro, ang magnitude 7.2 pataas na lindol na posibleng maganap sa Metro Manila hanggang Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite.

Ito ang laging tinatawag ng The Big One.

Kung mangyari ito sa gabi, maaaring ikamatay ito ng nasa 50,000 tao sa nasabing mga lugar at pwera pa ang nasa 100,000 malulunod sa ragasa ng 30 metrong taas na tubig galing sa Angat Dam sa Bulacan kung magiba ito.

Nasaan na ang ating mga paghahanda, lalo na sa parte ng mga mamamayan?

DELIKADONG LIGTAS NA LUGAR

Ayon sa ating Uzi, minsan na rin siyang sumali sa earthquake drill o pagsasanay na isinagawa ng gobyerno sa isang 5-story building na may 300 obrero sa araw at nasa 100 sa gabi.

‘Yung management, pinababa ang mga nasa itaas at pinalabas din kasabay nito ang mga nasa ground floor.

Pero, anak ng tokwa, pinapunta ang mga tao sa pagitan ng building na iyon at isang malapit na building at hindi sa maluwang na kalsada na kahit paano ay malayo sa gusali.

Tama ba iyon?