MANILA, Philippines – Iimbestigahan ng Land Transportation Office (LTO) si Bulacan Governor Daniel Fernando kaugnay ng umano’y pang-aabuso at road rage incident sa North Luzon Expressway (NLEX), matapos utusan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na isumite ang kanyang mga armas, security escorts, at mga sasakyang sangkot sa insidente noong Sabado.
Sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na kinontak niya si Fernando matapos makatanggap ng ulat na hinarangan ng convoy ng Bulacan Capitol ang isang presidential son sa NLEX.
“It doesn’t matter if it was a presidential son or not. Naging ugali na ni Gov. Fernando na kapag nabiyahe siya ng NLEX ay 4 na lane ang occupied niya na walang puwedeng mag overtake,” ani Remulla.
“Daig pa ang presidente kung bumiyahe. So regardless kung sino ang naging victim that was wrong,” dagdag niya.
Nauna nang itinanggi ng Malacañang na may anak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hinarass sa expressway, at sinabi ni Remulla na hindi niya kinukumpirma ang naturang ulat.
Gayunman, sinabi ni Remulla na nakatanggap siya ng ulat tungkol sa umano’y road rage incident na may kaugnayan sa paggamit ni Fernando ng expressway.
Tumanggi siyang magbigay ng karagdagang detalye dahil ang LTO ang nangunguna sa imbestigasyon. Santi Celario