Home METRO Gov Sol pormal nang nanumpa sa tungkulin sa Laguna

Gov Sol pormal nang nanumpa sa tungkulin sa Laguna

Sa pormal na panunumpa ni Governor Marisol “Sol” Castillo Aragones-Sampelo bilang punong lalawigan ng Laguna pasado alas-3:35 ng hapon sa Cultural Center sa Kapitolyo ng Sta. Cruz, Laguna—na tumapat sa kanyang ikatlong araw ng panunungkulan—ay agad niyang sinimulan ang Akay Sol Mobile Botika na namamahagi ng libreng maintenance medicine sa apat na distrito ng lalawigan ng Laguna para sa mga may sakit na diabetes, high blood, cholesterol, at iba pa.

Nagsimula ang pamamahagi ng libreng gamot sa Barangay Canlalay, Biñan City; Barangay 6A, San Pablo City; Barangay Bubukal, Sta. Cruz; at Barangay Real, Calamba City, na pinondohan ng Akay ni Sol Party-list.

Sinabi ni Governor Aragones na sa buwan ng Setyembre ay tiyak na pondo na ng Kapitolyo ang gagamitin para sa programa, at sa buwan ng Nobyembre ay kumpleto na ang Akay Sol Mobile Botika sa lahat ng lungsod at munisipalidad ng Laguna.

Samantala, kay Quezon Province Governor Dra. Helen Tan nanumpa si Gov. Aragones, at sa kanyang pagdating ay sinalubong siya ng kasalukuyang administrator na si dating Candaba, Pampanga Mayor Jerry Pelayo at ilang opisyal ng Kapitolyo.

Sumaksi rin sa panunumpa ni Gov. Sol sina Vice Governor JM Carait, mga nanalong miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, at mga alkalde ng Lalawigan ng Laguna.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Governor Aragones na ang naging dahilan ng kanyang pagtakbo noong 2022 bilang gobernadora ay ang karanasan niya sa pagkakasakit ng kanyang ama, kung saan niya naramdaman ang hirap ng mga mahihirap kapag may karamdaman sa pamilya.

Natalo man siya noon, hindi siya sumuko at muling tumakbo—para sa kapakanan ng kalusugan ng mahihirap—at hindi siya nabigo. Kaya sa unang araw ng kanyang panunungkulan bilang gobernadora ng Lalawigan ng Laguna, agad niyang nilagdaan ang Executive Order No. 1 na nag-aatas ng mahigpit na pagbabawal sa pagiging masungit o taray ng mga kawani ng lalawigan sa mga pampublikong tanggapan, lalo na sa mga pampublikong ospital.

Itutuloy din ni Aragones ang nasimulan ng nakaraang gobernador na scholarship para sa kabataan, at plano pa nila itong dagdagan.

Nananawagan din si Gobernadora Aragones sa mga kawani ng lokal na pamahalaan na huwag maging tapat lamang sa kanya, kundi dapat maging tapat sa mga kababayan ng Laguna.

Hindi siya papayag, aniya, na mapunta sa bulsa ng iilan ang pondo ng lalawigan. Dapat itong ilaan para sa social services at serbisyo sa mga tunay na nangangailangan.

Nagpasalamat naman si Governor Aragones kay Administrator Pelayo, na hindi siya iniwan at nagbigay ng pag-asa sa kanyang muling pagtakbo bilang gobernadora ng Lalawigan ng Laguna.