Home NATIONWIDE Grass fire sa Taal Volcano Island huminto na – PHIVOLCS

Grass fire sa Taal Volcano Island huminto na – PHIVOLCS

MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na ang grass fire sa timog-kanlurang bahagi ng Taal Volcano Island sa Batangas nitong Martes ay huminto ng madaling araw ng Miyerkules, Abril 2.

Sa isang update, tinukoy ng PHIVOLCS na tumigil ang grass fire dakong 5:20 ng umaga.

Unang natukoy ang sunog alas-11:24 ng umaga nitong Martes at direktang naapektuhan ang Taal Volcano Binintiang Munti (VTBM) Observation Station.

Nauna nang naitala ang mga katulad na insidente noong Marso 3, 2023, at Mayo 2, 2024, ayon sa ahensya.

Kaugnay nito, sinabi ni PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol na ang grass fire ay hindi sanhi ng aktibidad ng bulkan ng Taal.

Hindi pa aniya matukoy ng PHIVOLCS kung gawa ng tao ang sunog sa damo o dahil sa sobrang init ng panahon.

“Hindi pa natin masasabi. Pero definitely, hindi ito dahil sa aktibidad ng Taal Volcano. We can only speculate now,” ayon sa opisyal.

Ayon sa Bacolcol, walang kagamitan ng PHIVOLCS ang nasira dahil sa grass fire sa Taal.

Kaugnay nito sa isang pahayag, sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na rumesponde sa sunog ang kanilang Coast Guard Sub Stations (CGSS), Bureau of Fire Protection (BFP), gayundin ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) mula sa mga bayan ng San Nicolas at Agoncillo.

Binanggit ni BFP Nicolas, sinabi ng PCG na nasa tatlo hanggang limang ektarya ang apektado ng grass fire. Santi Celario