A Buddhist monastery building that has collapsed is seen following an earthquake in Naypyitaw, Myanmar Sunday, March 30, 2025. (AP Photo/Aung Shine Oo)
MANILA, Philippines – NAIS ni Pangulong Ferdinand ‘Marcos Jr. ang long-term solutions pagdating sa usapin ng mga natural calamity, kabilang na ang “The Big One”— isang 7.2 magnitude earthquake— na maaaring tumama sa bansa.
Ito ang tugon ni Office of Civil Defense Undersecretary Ariel Nepomuceno sa press briefing sa Malakanyang, araw ng Miyerkules, Abril 2 nang tanungin hinggil sa direktiba ni Pangulong Marcos ukol sa malalakas na lindol.
Sinabi pa ni Nepomuceno na nais din ng Punong Ehekutibo na ihanda ang bansa para sa ”big calamities.”
Sa ulat, pumiyok ang Office of Civil Defense na hindi pa handa ang Pilipinas sakali mang tumama ang “big one” na posibleng maging kasing-lakas ng magnitude 7.7 na lindol na yumanig sa Myanmar.
Paliwanag ni Nepomuceno, bagamat alam na ng mga Pilipino ang “duck, cover and hold” ay kulang pa rin ang paghahanda at katatagan ng mga imprastraktura sa bansa.
Binigyang-diin ni Usec. Nepomuceno na kailangan pang sumailalim sa retrofitting o pagpapatibay ang mga paaralan at health centers sa Pilipinas upang makayanan ang malalakas na pagyanig.
Gayunman, sinabi ng OCD official na ang pamahalaan ay nakahanda nang rumesponde dahil sumailalim na aniya sa pagsasanay ang mga magsisilbing rescuer, sakali mang tumama ang mapaminsalang lindol.
Nauna nang sinabi ng mga Seismologist sa bansa na hinog na ang Marikina West Valley Fault dahil hindi pa ito gumalaw sa loob ng dalawang siglo. Kris Jose