Home OPINION GULO KAHIT SAAN, PINOY PROTEKTAHAN

GULO KAHIT SAAN, PINOY PROTEKTAHAN

283
0

KAHIT saan sa mundo ngayon, may mga grabeng gulo.

At ang masakit, higit na nasasaktan ang mga ordinaryong mamamayan.

Kaya naman, kung meron mang higit na alalahanin, walang iba kundi ang mga mamamayang biktima ng mga kaguluhan.

SA PILIPINAS

Ang dami ngayong mga pagkilos sa kalsada, kung hindi man laban sa korapsyon at pandarambong, konektado naman sa pulitika.

Umaalingasaw, sobrang umaalingasaw, ang baho ng korapsyon at korapsyon ng mga nasa pamahalaan, Kongreso at Palasyo at mga kasabwat nila.

Batay na rin sa mga lumalabas na mga panimulang imbestigasyon ng Palasyo at Kongreso, napakalaking halaga ng pambansang badyet ang pinagbubulsa ng mga korap at mandarambong.

Hindi lang basta bilyon kundi daan-daang bilyong piso na buwis ng mga mamamayan at utang ng pamahalaan.

Ang bunga, naririyan ang mga pagbaha na pinalalala ng korapsyon at pandaramong sa mga pondong nakalaan sa mga flood control project.

Milyones na mamamayan ang binabaha at nalulunod, nagkakasakit, nasisiraan ng mga tahanan at hanapbuhay sa kabukiran at kalunsuran at hindi ang iilan lang na taga-Palasyo, Kongreso at mga switik na kontraktor na mga kasabwat nila.

MAY KONEK SA 2028

Ang masaklap, ang laban sa korapsyon at pandarambong, lalo na sa parte ng mga namumuno at politiko ay hindi lang sa mga araw na ito kundi aabot sa 2028.

‘Yung bang === halalang presidensyal sa 2028.

Sa ibang salita, ginagamit ng mga politiko at nakaupo sa gobyerno ang korapsyon at pandarambaong para masira nila ang kanilang mga kalaban at sila ang uupo o manatili sa Palasyo pagdating ng halalang 2028.

Dito lumalabas na hindi ang proteksyon ng mga biktimang mamamayan ng korapsyon at pandarambong ang laman ng utak ng mga gahaman sa kapangyarihan at kaban ng bayan kundi ang mga pansarili nilang interes…ang pagpapatuloy nila sa poder upang lalong magnakaw at magpayaman

SA IBANG BANSA

Sa ibang bansa naman, may mga Pilipino rin na kung hindi man daan-daan ang bilang, libo-libo kundi milyon gaya ng nasa apat milyong sa United States o kaya milyones ding nakakalat sa Middle East mula sa 800,000 sa Saudi Arabia hanggang sa daan-daang libo sa Qatar, United Arab Emirates, 36,000 sa Israel, 40 sa Lebanon.

Sa Russia, may 10,000 at may mahigit 100 sa Ukraine habang daang libo rin ang nasa maraming bansa sa Europa gaya ng Germany, United Kingdom, Italy, France, The Netherlands, Poland, Spain at iba pa.

Nadadamay ang mga ito sa mga grabeng giyera sa pagitan ng Israel at Palestine, nanganganib na giyera ng mga Arabong bansa at Israel at siyempre pa sa mabangis na digmaan ng Russia at Ukraine na suportado naman ng nakararaming bansang Europeo.

Ang inaalala natin dito ay ang buhay nilang nakataya at pagkadiskaril ng kanilang buhay at hanapbuhay, gaya ng mga overseas Filipino worker na inaasahan naman ng milyones na miyembro ng mga pamilya nila mismo sa Pinas.

Siyempre pa, may mga pagkilos ang pamahalaan upang protektahan ang mga Pinoy abroad.

Pero hanggang saan at hanggang kailan ang pagkalinga rin ng pamahalaan sa mga pamilya-OFW mismo sa Pinas?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here