Home OPINION KALAYAAN SA PAMAMAHAYAG MASUSUBUKAN NGAYON

KALAYAAN SA PAMAMAHAYAG MASUSUBUKAN NGAYON

273
0

HANGGANG saan kaya magiging malaya ang mga mamamayan sa paglalabas ng kanilang mga saloobin sa gitna ng naglalagablab na mga isyu ukol sa korapsyon at pandarambong ngayon?

Lumalabas na nakararami na ang nagsasalita ukol sa nasabing mga isyu.

Bukod sa mga opisyal ng gobyerno na nag-aaway-away na, lalo na ang mga nakaupo sa bisa ng halalan at pagtatalaga o appointment, kitang-kita ang mediamen na na sumasangkot sa kontrobersya at naghahayag ng kanilang mga paninindigan.

Nariyan din ang mga mamamayang sumasali sa Sumbong sa Pangulo online portal na binuksan mismo ni Pangulong Bongbong Marcos para ilabas ang mga anomalya ng mga nasa pamahalaan at mga kasabwat nila sa labas nito.

Nariyan din ang mga nasa kalsada na may iba’t ibang kulay-pulitika at idolohiyang nagsisigaw.

Ang mga estudyante naman, kitang-kita ang kanilang mga pagkilos at pagbubukas ng bibig sa loob at labas ng mga kampus o kaya sa iba’t ibang anyo ng media platform.

Kapag pinagsama-sama ang lahat ng mga sigaw at kilos ng mga hindi na makatiis sa umaalingasaw na baho ng korapsyon at pandarambong, humahantong na ito sa paghamon, hindi lang sa pag-aksyon ng gobyerno kundi sa kung dapat pang manatili sa pwesto ang mga nakaupo at papalitan na ng bago, lalo na ang mga may renda rito sa gobyerno.

Dito na masusubukan kung hanggang saan papayagan ng kasalukuyang pamahalaan ang palakas nang palakas na sigaw ng taumbayan tungo sa pagbabago.

Sinabi mismo ni Pang. Bongbong, nirerespeto niya ang kalayaan sa pamamahayag.

Ngunit napakaraming pwersa sa gobyerno na may mga pinangangalagaang pansariling interes, at posible pang may dayuhang nakikialam na na may malalaking pansariling interes din na nakataya, lokal man o dayuhan.

Sa ibang salita, mga brad, hindi kaya manganganib ang kalayaan sa pamamahayag gaya noong panahon nina Rizal, Plaridel at Bonifacio at noong martial law?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here