MANILA, Philippines- Isinilbi na ng Commission on Election (Comelec) ang subpoena laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na may kaugnayan sa material misrepresentation complaint na inihain laban sa kanya.
Binisita ng mga kinatawan ng Comelec ang address na natukoy sa certificate of candidacy ni Guo gayundin sa kanyang opisina sa Bamban upang isilbi ang dokumento bilang bahagi ng preliminary investigation sa kanyang kaso.
Tinanggap ng hindi awtorisadong tauhan ang dokumento sa kanyang farm habang pormal na tinanggap ng kanyang secretary ang subpoena.
Sinabi ni Atty. Elmo Duque, Comelec Region III Assistant Regional Election Director, ang prayoridad ng pagsisilbi ng subpoena ay kailangang personal service.
Dahil wala si Guo, may direktiba na ibinigay sa election officer na siyang magsisilbi ng dalawang magkasunod na petsa nang tatlong beses na magkasunod.
“And then, gagamitin natin ang rules of court, part ‘yan ng Rule 14, ipapadala sa E-mail address or if applicable pa ma-bind sa legal process,” sabi ni Duque.
Sinabi rin ni Duque na ituturing na alam ni Guo ang kanyang kaso at aabisuhan ang proseso kahit na nabigo siyang personal na matanggap ang subpoena pagkatapos ng tatlong magkakasunod na pagtatangka.
Noong nakaraang linggo, inaprubahan ng Comelec en banc ang rekomendasyon ng kanilang law department na maghain ng motu propio complaint laban kay Guo. Jocelyn Tabangcura-Domenden