Home OPINION GUSTO N’YO BA TALAGA NG ROTC?

GUSTO N’YO BA TALAGA NG ROTC?

HINDI tumitigil ang pagsusulong na buhaying muli ang mandatory Reserve Officers’ Training Corps para sa mga Pilipinong estudyante sa kolehiyo. Maging ang resulta ng latest poll ng Pulse Asia ay nagsasabing karamihan ng Pilipino ay suportado ito, pero mahalagang suriing mabuti kung bakit depektibo at may potensiyal na makasama ang panukalang ito.

Una, ang simpleng estadistika ng opinyon ng publiko ay hindi awtomatikong mabibigyang-katwiran ang pagpapatupad ng sapilitang military training sa kabataang Pilipino. Importanteng alamin ang nag-uudyok sa likod ng kuwentong ito. Sino ang pangunahing makikinabang sa mandatory ROTC? Totoo bang para ito sa ikabubuti ng mga estudyante at ng bansa sa kabuuan?

Makatutulong marahil sa mga nagsusulong ng mandatory ROTC kung pag-iisipan muna nilang maigi ang kanilang pinaninindigan. Kung totoong malawakan ang suportang nakukuha nito, dapat siguro ay ang mismong mga nagpupumilit ng ROTC ang obligahing mag-enroll dito. Madali lang mag-endorso mula sa malayo; pero ibang usapan kung direkta ka nang maaapektuhan ng ineendorso mo.

Ang mga kuwento ng trahedya na iniuugnay sa ROTC, gaya ng kaso ni Mark Welson Chua, ay malapit sa aking puso bilang isang Thomasian. Ang kanyang pagkasawi sa kamay ng isang misguided military training sa University of Santo Tomas ay nakapagdudulot pa rin ng kirot sa reputasyon ng aming unibersidad hanggang ngayon.

Ngunit binibigyang-diin din nito ang matinding pangamba laban sa pang-aabuso, korapsiyon, at karahasan na pawang nakapaloob sa programa. Ilalantad ng mandatory ROTC ang mga estudyante sa mga parehong panganib habang ipinaiiral ang kultura kung saan militarismo ang prayoridad kaysa mahalagang edukasyon at paghuhubog ng mabuting pagkatao.

Bukod dito, sa panahong importante ang modernisasyon at estratehikong depensa, ang pagbubuhos ng pondo sa military modernization, partikular na sa Philippine Navy gaya ng mungkahi ni Senator Ana Theresia N. Hontiveros-Baraquel, ay ‘di hamak namang mas praktikal kaysa buhaying muli ang isang programa na kontrobersiyal at delikadong maabuso.

   Boses ng militar 

Kung mayroon mang may rasonableng opinyon na dapat pakinggan ni President Bongbong Marcos sa usapin ng insurhensiya, marahil iyon ay ang hindi nagbabagong paninindigan ng Northern Luzon Command laban sa rebelyon. Habang niro-romanticize ng ilang kritiko ang pagrerebelde bilang pakikibaka para sa hustisya, ibang-iba ang reyalidad nito sa kasalukuyan.

Ang aktibong tungkulin ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa pagpapaunlad ng bansa — lalo na sa mga komunidad sa lalawigan — ay sumasalamin sa lakas ng depensa ng militar sa kasalukuyan laban sa kaguluhan at rebolusyon.

Sa Northern Luzon, tinanggihan ng militar ang huling panawagan ng Communist Party of the Philippines sa gobyerno na ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front. Sa halip, hinimok ni Army Major Rigor Pamittan ang mga natitirang rebelde na sumuko na, idinahilan ang humihinang impluwensiya ng kilusang komunista base sa nakalipas na mga bakbakan at pagkasawi ng mga tauhan.

Inatasan ni Major General Audrey Pasia ang mga sundalo na tuluyan nang wakasan ang insurhensiya habang binibigyang-diin ang commitment ng militar sa kapayapaan at pagbibigay-proteksiyon sa mga sibilyan. Hindi isang simpleng teorya lamang ang insurhensiya, kundi isang masamang bangungot na naglilimita sa progreso sa hilaga.

Maraming buhay ang sinira ng rebelyon, nagpakalat ng takot, at ginulo ang maraming komunidad. Ang presensiya ng militar ngayon ay hindi na nagkataon lamang, kundi isang paraan ng saklolo sa panahon ng kalamidad at katuwang sa paglilinis sa mga taniman ng marijuana sa kabundukan.

                                                      *        *       *

SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.