MANILA, Philippines – Nasa 17,300 residente ng Pampanga ang tumutuloy sa 270 evacuation centers dahil sa matinding pagbaha sa probinsya, ayon kay Governor Lilia Pineda nitong Lunes, Agosto 31.
Ani Pineda, ang bilang ay katumbas ng 4,622 pamilya at hindi kabilang ang mga residente na nanatili sa kanilang mga tirahan sa kabila ng pagbaha.
Inilarawan ng gobernador ang pagbaha bilang ‘unprecedented’ o hindi inaasahan sa ilang mga lugar at ang ibang dating hindi binabaha ay nakaranas ng pagbaha.
“Kakaiba talaga ito, Ngayon lang naman talaga namin naranasan. Pumapanhik, pati yung matatas na lugar nadadamay na kasi nagba-backflow ‘yung tubig dahil hindi nga makalabas sa Manila Bay,” ani Pineda sa panayam ng GMA News.
“So talagang ang San Fernando, magba-backflow ‘yan dahil hindi na sila makababa dahil puno na ‘yung Macabebe, Masantol, ‘yung mga nasa downstream natin. So ‘yung Florida, mataas din ‘yan, ‘yung Porac pero nagkakaroon na rin sila ng tubig. Nag-overflow ‘yung mga river nila,” dagdag niya.
Nakikipag-ugnayan na ang pamahalaang panlalawigan sa mga alkalde at opisyal ng barangay para isaprayoridad ang paglilikas ng mga bata, may sakit, senior citizen at bedridden individuals.
Makikipagpulong din si Pineda sa Office of Civil Defense, Department of Social Welfare and Development, Department of Health, at local power cooperatives para pag-usapan ang epekto ng matagal nang baha sa maraming lugar.
Hinimok naman niya ang mga residente na sumunod sa abiso ng pamahalaan at maghanda ng emergency plan para sa pamilya.
“Ang una po muna talaga, ang makakapagpigil ‘yung ating Panginoon. Magdasal po tayo kasi po kalamidad na hindi naman natin kagustuhan.So sana po makinig lang po kayo sa mga abiso, pag may warning sumunod po tayo.”
“Hindi ninyo puwede pong iasa sa gobyerno lahat. Dahil sa kadami po natin lahat, kailangan may plano rin kayo sa pamilya ninyo para ligtas po ang mga pamilya ninyo,” dagdag pa. RNT/JGC